Calendar
Bisikleta, e-mobile loans ng GSIS layuning mabawasan gastusin ng mga miyembro
NAGBUKAS ang GSIS ng pautang para sa bisikleta at e-mobility upang mabawasan ang araw-araw na gastos sa transportasyon ng mga miyembro
Sinusuportahan ng programa ang layunin ng administrasyong Marcos na magkaroon ng mas maayos at matitirahang mga komunidad kung saan mas abot-kaya ang pagbiyahe ng mga manggagawa sa gobyerno
Ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) ay mayroon nang abot-kayang paraan upang makagalaw sa kanilang mga komunidad gamit ang bisikleta o electric mobility device, nang hindi pinapasan ang mataas na paunang gastos o gastusin sa gasolina.
Inilunsad ng GSIS ngayong araw ang Ginhawa Bike and E-Mobility Loan (GBEL), isang bagong pautang na may abot-kaya at madaling kundisyon para sa mga empleyado ng gobyerno na nais bawasan ang kanilang pang-araw-araw na gastos sa transportasyon.
Bahagi ang GBEL ng whole-of-government effort ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapabuti ang pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino, alinsunod sa Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) at sa mas malawak na layunin na magkaroon ng mga komunidad na madaling tirhan at galawan kung saan malaya at abot-kaya ang pagbiyahe.
Nauna nang inilunsad ng GSIS ang Ginhawa Solar Energy Loan (GSEL) upang tulungan ang mga miyembro na mabawasan ang gastos sa kuryente sa bahay. Pinalalawak ng GBEL ang layuning ito tungo sa sektor ng transportasyon.
Sa ilalim ng GBEL, maaaring umutang ang mga kwalipikadong miyembro ng hanggang 100 porsiyento ng halaga ng unit, na may maximum na ₱300,000, na babayaran sa loob ng 36 na buwan. Mayroon itong interes na 5 porsiyento kada taon at walang sisingiling service fee sa pag-apruba ng pautang.
Ayon kay GSIS President at General Manager Wick Veloso, idinisenyo ang programa upang magbigay ng agarang at praktikal na tulong sa mga miyembro.
“Magbibigay ang programang ito ng praktikal na opsyon sa aming mga miyembro upang mapangasiwaan ang kanilang pang-araw-araw na gastos sa transportasyon. Nais naming makagalaw sila sa kanilang mga komunidad nang hindi nabibigatan sa gastusin,” ani Veloso.
Ang mga aplikasyon ay pinoproseso online sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application.
Saklaw ng GBEL ang mga brand-new na bisikleta at iba’t ibang uri ng electric mobility devices, kabilang ang e-bikes, e-scooters, e-mopeds, cargo e-bikes, folding e-bikes, at iba pang katulad na sasakyang pinapagana ng kuryente.

