Calendar
Biyahe ni PBBM sa APEC may malaking ambag sa ekonomiya ng Pilipinas
INAASAHAN ni Occidental Mindoro Lone District Rep. Leody “Odie” Tarriela na malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng bansa ang biyahe ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. pa Estados Unidos para dumalo sa taunang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit.
Kasama sa tatalakayin ng Pangulo sa naturang pulong ang mga isyung pang-ekonomiya at seguridad kasama ang 21 miyembro ng APEC, kasama ang Estados Unidos at iba pang kaalyado gaya ng Japan, Australia, Canada, South Korea, and New Zealand.
“The economic benefits our country could derive from the President’s APEC meetings and bilateral discussions are enormous. They could help us sustain our economic growth in the days ahead,” sabi ni Tarriela.
Dagdag pa nito na karamihan sa pinakamalalaking export at import partner ng Pilipinas ay miyembro ng APEC.
“Our economy grew by 5.9 percent in the third quarter of this year. We hope to do better in the succeeding quarters with investments and financial and economic assistance from our APEC friends and allies,” diin ni Tarriela.
Ang ika-30 APEC Leaders’ Summit ay gaganapin sa San Francisco, California mula Nobyembre 15 hanggang 17. Ang Estados Unidos ang host ng pagtitipon ngayong taon.
Ito ang ikalawang APEC meeting na dadaluhan ng Pang. Marcos Jr. ang una ay noong nakaraang taon sa Thailand.
Makikipagpulong din si Pang. Marcos sa mga lider ng negosyo at miyembro ng Filipino community.
Bibisitahin din niya ang Daniel Inouye Asia-Pacific Center for security studies at ang Indo-Pacific Command headquarters ng US armed forces sa Hawaii matapos maimbitahan.
Inaasahan na magbabalik bansa ang Chief executive sa bansa sa Nobyembre 20.
Ayon kay Tarriela maaaring samantalahin ng Presidente ang usaping pangseguridad at tensyon sa West Philippine Sea sa kanyang pakikipagpulong sa mga lider ng United States, Canada, Australia, and Japan.
Kasunod na rin ito ng pinakahuling insidente ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa sibilyang bangka ng Pilipinas na magdadala ng supply sa mga sundalong nakatalaga sa Ayungin Shoal.
Una nang kinondena ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang insidente na isa aniyang akto ng karahasan at hinikayat ang China na itigil na ang mga ganitong gawain.
Nanawagan din ito sa China na kilalanin ang 2016 Hague Ruling kung saan ibinabasura ang pang-a-angkin ng China sa halos buong South China Sea kabilang ang 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.
“Ayungin Shoal is clearly part of our country’s territory under international law, being just 115 miles from Palawan. It is more than 1,000 miles from the nearest Chinese island. Panatag Shoal, about 120 miles from Pangasinan and Zambales, is also ours,” sabi ni Romualdez.