BBM1

Biyahe sa ibang bansa ni PBBM nakalikom ng P3.48T investment

195 Views

NAGSISIMULA na umanong makita ang resulta ng mga biyaheng ginawa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ibang bansa.

“I can already report that some of the MOUs that we signed in Indonesia and in Singapore, mayroon ng resulta. And in fact, I think in the next couple of weeks, we will be starting to inaugurate some of these projects already,” sabi ni Pangulong Marcos.

Nakipagpulong si Pangulong Marcos sa mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) at Office of the Presidential Assistant on Investment and Economic Affairs (OPAIEA) kung saan pinag-usapan ang mga nakuhang investment pledges sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual na umabot sa 116 proyekto na nagkakahalaga ng US$62.926 bilyon o P3.48 trilyon.

Sa pagbiyahe ng Pangulo sa Indonesia ay nakakuha ito ng US$8.48 bilyong investment pledge; sa Singapore ay US$6.54 bilyon; sa United States ay US$3.847 bilyon; sa Thailand ay US$4.62 bilyon; sa Belgium ay US$2.20 bilyon; sa China ay US$24.239 bilyon; at sa Japan ay US$13 bilyon.

Sa mga pangakong investment, US$4.349 bilyon o P239 bilyon ay nag-materialize na matapos na simulan ng mga kompanya ang pagpapatupad ng kanilang proyekto sa bansa.

Ang mga proyekto na nagkakahalaga ng US$29.712 bilyon o P1.7 trilyon ay mayroong Memorandum of Understanding (MOU) o Letters of Intent (LOI) samantalang ang mga proyekto na nagkakahalaga ng US$28.863 bilyon o P1.5 trilyon ang nasa planning stage.

Sinabi ng Pangulo na bumibisita ito sa ibang bansa upang makakuha ng pamumuhunan na kailangan upang umangat ang ekonomiya at makalikha ng mapapasukang trabaho sa bansa.