Pakistani Source: BI

Blacklisted sa PH, pumasok sa backdoor, natunton sa Zambo del Sur

Jun I Legaspi Jun 21, 2025
314 Views

NAARESTO ng mga tauhan ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration (BI) ang isang mamamayang Pakistani sa Barangay Tiguma, Lungsod ng Pagadian, Zamboanga del Sur noong 16 Hunyo 2025 dahil sa paglabag sa mga batas ng imigrasyon sa Pilipinas.

Ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon.

Isinagawa ang pag-aresto katuwang ang Armed Forces of the Philippines at ang 53rd Infantry Battalion ng Philippine Army.

Naglabas ng mission order si BI Commissioner Joel Anthony Viado laban sa 31-taong gulang na Pakistani na si Sajjad Khan matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa kanyang ilegal na pananatili sa bansa.

Batay sa tala ng BI, blacklisted na si Khan simula pa noong 2016. Inamin din niya na pumasok siya sa Pilipinas sakay ng bangka sa pamamagitan ng tinatawag na “backdoor” o illegal migration corridor.

Napatunayang lumabag siya sa Section 37(a)(1) ng Philippine Immigration Act of 1940, alinsunod sa ilegal na pagpasok at pagiging undocumented alien.

Matapos ang pag-aresto, dinala siya sa Zamboanga del Sur Police Provincial Office para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon, at inilipat kinabukasan sa Bureau of Immigration Warden Facility (BIWF) sa Camp Bagong Diwa, Lungsod ng Taguig, para pansamantalang kustodiya habang hinihintay ang legal na proseso.