Calendar

BOC, BPI naharang pagpasok ng P2M smuggled na sibuyas
UMAABOT sa 25 metriko tonelada na illegal na inangkat na pulang sibuyas na may tinatayang halaga na P2 milyon mula sa China ang nasabat ng Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture sa tulong ng Bureau of Customs (BOC) sa Mindanao International Container Terminal sa Misamis Oriental kamakailan.
Sa report kay BPI Director Glenn Gerard Panganiban ni Arnold dela Cruz, officer-in-charge ng Region X Plant Quarantine Service, naka-consign ang shipment sa Lantix Consumer Goods Trading sa Binondo, Manila.
Dumating ang kargamento noong Mayo 26 at idineklarang naglalaman ng iba’t-ibang frozen products tulad ng egg noodles, croissant dough, pizza dough buns at spring rolls.
Dahil sa natanggap na impormasyon, hiniling ng BPI-Plant Quarantine Service sa Cagayan de Oro sa BOC na pigilan ang paglabas ng container para sa dagdag na inspection.
Sa physical examination noong Hunyo 11, natuklasan na naglalaman ang shipment ng sariwang pulang sibuyas at hindi ang mga produktong nakalista sa manipesto.
Binigyang-diin ni DA Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na hindi nag-isyu ang DA ng anumang sanitary at phytosanitary import permits para sa shipment ng pulang sibuyas mula sa China.
“Hahabulin namin ang mga walang konsensyang negosyante ng buong pwersa ng batas,” ani Tiu Laurel.
Matapos madiskubre ang mga smuggled na sibuyas, inirekomenda ng nakatokang BOC examiner na hulihin at kumpiskahin ang shipment.