Calendar
BOC nagsimula ng magsanay para sa muling pagtatayo ng Customs Laboratory
NAGSIMULA na ang mga piling tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na magsanay para sa plano na muling buksan ang Customs Laboratory na makatutulong upang matiyak na tama ang buwis na ibinabayad para sa mga ipinapasok na produkto sa bansa.
Ang team ng BOC na sumailalim sa specialized training para sa customs laboratory processes ay pinangunahan ni Atty. Yasser Ismail A. Abbas, CESO IV, Director III ng Imports and Assessment Service (IAS).
Ang pagsasanay ay ibinigay ng Korea International Cooperation Agency (KOICA), Korea International Cooperation Services (KOICS), Korean Central Customs Laboratory (KCCL), at Korea Customs Service (KCS).
Ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga tauhan ng BOC ay ang ikalawang yugto ng multi-year Capacity Improvement and Advancement for Tomorrow (CIAT) fellowship program ng KOICA.
Layunin ng programa na mapalakas ang ugnayan ng Pilipinas at Korea.
Pumunta rin ang BOC team sa mga strategic customs office sa South Korea na kinabibilangan ng Korean Customs Central Laboratory and Scientific Service, Busan Regional Customs kung nasaan ang Local Customs Laboratory (LCL), at Busan Customs Container Cargo Inspection Center.
Pinasubukan sa BOC team ang mga gamit ng Customs laboratory ng Korea.
Layunin ng pagsasanay na maihanda ang mga tauhan ng BOC sa muling pagbubukas ng Customs Laboratory bilang bahagi ng pagpapalakas ng pagbabantay sa mga pantalan kaugnay ng pagpasok ng mga produkto.