BOC naharang tangkang smuggling ng P13.8M shabu

176 Views

NAHARANG ng Bureau of Customs- Port of Clark at NAIA ang tangka umanong pagpuslit ng P13.8 milyong halaga ng shabu na itinago sa mga sports jug.

Ang iligal na droga ay ipinasok umano sa package na idineklara na naglalaman ng “double stainless ceramic” na dumating noong Enero 2 mula sa Bangkok, Thailand.

Nakita umano ang kahina-hinalang bagay sa x-ray scanning kaya isinailalim ito sa pisikal na pagsusuri at doon nakita ang apat na 3-liter stainless sport jug na nakabalot sa plastic at aluminum foil.

Nakumpirma umano sa laboratory examination na shabu ang puting bagay na nakita sa loob nito.

Nagsagawa ng delivery operation ang mga tauhan ng Port of Clark at NAIA, at PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa katao na tumaggap umano ng package sa Pasay City.