Calendar
Source: BOC NAIA
BOC-NAIA nakasamsam ng P20M Ecstasy, shabu sa Pasay City


NASABAT ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC–NAIA) ang tatlong kargamento na naglalaman ng 4,395 gramo ng pinaghihinalaang ilegal na droga na umaabot sa mahigit P20 milyon sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City, ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno.
Ang unang kargamento, mula Belgium at idineklarang “pet food,” ay naglalaman ng 1,978 piraso ng pinaghihinalaang Ecstasy tablets na nagkakahalaga ng P3,362,600.
Ang ikalawang kargamento, mula Malaysia at idineklarang “outdoor wall lamps,” ay naglalaman ng 2,418 gramo ng pinaghihinalaang methamphetamine hydrochloride (shabu) na may tinatayang halagang P16,442,400.
Ang ikatlong kargamento, mula United Kingdom at idineklarang “game,” ay naglalaman ng 497 piraso ng pinaghihinalaang Ecstasy tablets na may tinatayang halagang P844,900.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinailalim sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa pagsusuri sa laboratoryo.
Ang operasyong ito ay base sa direktiba ni Nepomuceno na palakasin ang kampanya ng Bureau laban sa ilegal na droga at iba pang ipinagbabawal na kalakal sa bansa.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nananatiling matatag ang BOC sa pagpapaigting ng kampanya laban sa pagpasok ng ilegal na droga at iba pang ipinagbabawal na kalakal sa bansa.
Patuloy na pinatitibay ng BOC–NAIA ang pagbabantay sa mga pantalan ng bansa habang tinutupad ang mandato ng Bureau na siguruhin ang kaligtasan ng mga hangganan, pasulungin ang lehitimong kalakalan at protektahan ang mga komunidad ng Pilipino.

