Rubio

BOC nalagpasan target na makolekta noong Setyembre

171 Views

NAKAKOLEKTA ang Bureau of Customs (BOC) ng P79.225 bilyon noong buwan ng Setyembre lagpas ng P2.780 bilyon o 3.64% sa target nitong P76.455 bilyon.

Dahil dito umakyat na sa P660.716 bilyon ang nakolekta ng BOC sa unang siyam na buwan ng taon, lagpas ng P16.531 bilyon o 2.57% sa target nitong P644.185 bilyon.

Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ay nagpatupad ang BOC ng mga pagbabago upang mas maging epektibo ang pangongolekta nito ng buwis.

Nakipagtulungan din ang BOC sa Department of Trade and industry (DTI), Strategic Trade Management Office (STMO), at ARISE Plus Philippines upang mas mapaganda ang mga pamamaraan nito.

Nakapagsagawa rin ng BOC ng 730 anti-smuggling operations na nagresulta sa pagkakakumpiska ng P35.963 bilyong halaga ng smuggled goods. Isa umano itong pagpapakita na determinado ang BOC na mapangalagaan ang border ng bansa at maharang ang mga iligal na gawain.

Ipinakikita umano ng mga naabot ng BOC ang dedikasyon nito na tumulong sa pagpapa-unlad ng ekonomiya ng bansa at para mapondohan ang mga mahahalagang proyekto at programa ng gobyerno para sa kapakinabangan ng mga Pilipino.