Guererro

BOC pabor sa ‘deeper smuggling probe’

Paul M Gutierrez Jul 5, 2022
235 Views

IKINATUWA ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ang hirit na ‘deeper smuggling probe’ na ipinanukala ni Sen. Imee Marcos sa paniwalang makatutulong ito upang malinis ang kanyang pangalan at ang pangalan ng apat na ibang opisyal ng ahensiya na idinawit sa isyu ng smuggling ng isang inilabas na ulat ng ika-18 Kongreso noong isang buwan.

“We welcome the proposal of Sen. Imee Marcos for a ‘deeper probe’ of agricultural smuggling. May I note that since I was appointed Customs Commissioner in 2018, the Bureau of Customs has always actively participated in any and all hearings conducted by both Houses of Congress, as the congressional records would show,” ani Guerrero sa isang pahayag sa midya nitong Lunes, Hulyo 4, 2022.

Ang pahayag ni Guerrero ay matapos namang sabihin ni Sen. Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, sa panayam noong Biyernes, Hulyo ,1, 2022, na kailangan ang mas malalim na imbestigasyon sa isyu dahil sa naging pagkuwestyon sa inilabas na Senate Committee Report 649 noong nakaraang buwan, partikular na ang pangalan ng 22-indibidwal na umano’y mga nagpapalusot ng mga ‘agri products’ at ang pangalan ng kanilang mga umano’y “protektor” sa gobyerno.

Ginawa ni Marcos ang panukala matapos magdesisyon ang kanyang kapatid na si Pang. Bongbong Marcos na maging ‘concurrent secretary of agriculture’ upang direktang matutukan ang mga problema ng sektor ng agrikultura, kasama na ang problema ng smuggling.

Subalit, ayon pa sa kanya, hindi mapananagot sa batas ang mga smuggler kung hindi malinaw sa lahat kung sino ang dapat na maparusahan. “Some people should be on the list, while the inclusion of others is now being argued,” anang senador.

Aniya pa, hindi matutugunan ang problema ng mga magsasaka at hindi makakabangon ang ekonomiya ng bansa kung ang mga ‘guilty’ sa smuggling ay makakalusot at ang makakasuhan ay ang mga inosente.

Una na ring kinuwestyon ni Guerrero ang inilabas na listahan ng Senado matapos itanggi sa kanya ng Sandatahang Lakas (AFP), Philippine National Police (PNP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at National Bureau of Investigation (NBI) na sa kanila nanggaling ang listahan ng Senado na isinapubliko ni Senate President Vicente Sotto III nitong Hunyo 22, 2022.

Aniya pa, mas mainam na maglabas na lang ng ebidensiya ang kanilang mga kritiko at sampahan sila ng kaso sa korte upang maipagtanggol nila ang kanilang sarili, sa halip na batikusin sila sa court of public opinion.

Sa kanya pang pahayag, ipinunto rin ni Guerrero na bagaman napakarami na nilang nagawang reporma sa Aduana sapul ng maitalaga siya noong 2018 at dahilan upang makapagtala ang BOC ng mga ‘historic accomplishments,’ hindi masyadong napansin at nabigyan ng pagpapahalaga ang mga ito.

Nito lang buwan ng Hunyo, kumolekta ng higit P76 bilyon ang BOC, lampas ng higit P20 bilyon sa assigned monthly target nito at pinakamataas sa buong kasaysayan ng ahensiya.

“ As always, we consider any hearing called by our legislators not only as an opportunity to answer all their questions and even the unfounded allegations of some quarters bravely and honestly.

“More importantly, we consider any hearing as an opportunity to highlight the many reforms that we have undertaken during the administration of Pres. Rodrigo Roa Duterte that have greatly improved our operational efficiency and which resulted to historic accomplishments that, however, have not received the attention and appreciation due them,” anang dating AFP chief of staff.

Tiniyak din ni Guerrero na makaaasa ang Senado sa kanilang patuloy na pagdalo sa ano mang ipatatawag na pagdinig.