BOC1

BOC, UNODC pinalakas depensa laban sa illegal waste trafficking, sanib-pwersa

68 Views

UPANG mapalakas ang depensa laban sa illegal waste trafficking, nagsanib-puwersa ang Bureau of Customs (BOC) at United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) sa pagsasagawa ng masinsingang pagbisita sa hazardous waste management.

Nagsama-sama ang mga opisyal ng customs mula sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia upang palakasin ang kanilang teknikal na kakayanan sa pangangasiwa sa hazardous waste. Ginanap ito sa Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP) kamakailan.

Sumentro ang tatlong araw na Passenger and Cargo Control Programme (PCCP) ng UNODC sa mga hamong kinakaharap kaugnay ng iligal na pagpasok ng hazardous waste at ang pagpapalakas ang mga proseso ng customs kaugnay nito.

Sinuri ng mga kinatawan ng Thailand, Cambodia, Malaysia, at Vietnam kasama ang mga lider ng BOC sa pagrepaso sa mga praktikal na pamamaraan upang makilala, makontrol, at mapangasiwaan ang mga hazardous materials na dumarating sa mga pangunahing pantalan.

Pinangunahan nina BOC District Collectors Rizalino Jose C. Torralba (MICP) at Alexander Gerard E. Alviar (POM) ang serye ng pagtalakay kaugnay ng mga ginagawa ng BOC kaugnay ng waste management at border security systems ng bansa.

Inobserbahan ng mga delegado ang mga container ng hazardous waste, proseso ng Customs Operations Center, at ang advanced inspection technology ng BOC kasama na ang state-of-the-art X-ray systems at container tracking innovation na ginagamit nito.

Iginiit ni UNODC Regional Coordinator Thomas Dixon ang kahalagahan ng kooperasyon at pagpigil sa pagpasok ng mga iligal na hazardous waste. Sinuportahan naman ito ng Technical Expert na si John Dourlay na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mahigpit na waste management protocols at cross-border partnerships.

Nagbigay din ng kanilang pananaw ang mga pangunahing opisyal ng BOC kasama sina Atty. Julito L. Doria, Chief ng Customs Operations Center, at Atty. Jenny P. Diokno, Chief ng Export Coordination Division, kaugnay ng Electronic Tracking of Containerized Cargoes System at iba pang security measures na ginagamit ng ahensya.

“The BOC is committed to ensuring that hazardous waste is carefully regulated to protect both our environment and our citizens,” ani BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio. “This collaboration reinforces our shared dedication to maintaining safe, secure borders across Southeast Asia.”

Ang pagsasagawa ng study visit sa bansa ay bahagi ng Hazardous Waste Project ng UNODC na naglalayong palakasin ang customs agency ng iba’t ibang bansa upang mapigilan ang kalakalan ng iligal na basura at mapangalagaan ang ecosystem sa rehiyon.