Calendar
Boga, P2K nanenok sa opisina sa Bocaue
BOCAUE, Bulacan–Pinasok ng isang tirador ang opisina ng I-Fern Global Prosperity sa Brgy. Turo, Bocaue noong Linggo at natangay ang P2,000 at baril.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., nakasuot ng itim na sumbrero, itim na jacket at camouflage na pantalon ang suspek na sinira ang roll-up door ng establisyemento upang makapasok.
Pagkapasok, kinuha ng suspek ang P2,000 mula sa cashier’s counter at nagtungo sa meeting room at ninakaw ang isang .9mm M1911 pistol.
Nadiskubre ng security guard na si Dick Aguillon, 55, ang insidente at ipinaalam kay Jaime Sarmiento, 26, company secretary, na siyang nagsampa ng reklamo sa mga pulis.
Makikita sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) na umalis ang suspek sa lugar gamit ang isang motorsiklong nakaparada sa madilim na bahagi ng paligid.

