Bomba Nakita ng flight attendant ang tissue na may nakasulat na “may bomba” sa loob ng isa sa mga lavatory ng eroplano. Mabilis na nagsagawa ng masusing inspeksyon ang Aviation Security Unit sa loob ng eroplano. Photo mula sa CAAP

‘BOMB THREAT’ NAKITA SA CR NG EROPLANO

Jun I Legaspi Jun 14, 2025
23 Views

Bomba1AGAD na tumugon ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa ulat ng bomb threat sa loob ng Cebu Pacific flight 5J851 mula Maynila sa pamamagitan ng pamunuan ng Zamboanga International Airport (ZIA) Sabado ng umaga.

Bandang 8:20 ng umaga, habang nagsasagawa ng karaniwang inspeksyon ang isang cabin crew matapos makababa ang mga pasahero, isang piraso ng tissue na may nakasulat na “may bomba” ang natagpuan sa loob ng isa sa mga lavatory ng eroplano.

Agad itong iniulat ng flight attendant sa mga ground security personnel, dahilan upang agad na pairalin ang itinakdang aviation security protocols.

Mabilis na nagsagawa ng masusing inspeksyon ang Aviation Security Unit (AVSEUCU9) sa loob ng eroplano.

Pagsapit ng 8:58 ng umaga, natapos ang paneling at walang nakitang anumang uri ng pampasabog. Bilang bahagi ng pag-iingat, isinagawa rin ang paneling sa Passenger Terminal Building ng paliparan.

Idineklarang “under control” ang sitwasyon pagsapit ng 8:59 ng umaga at agad na ibinalik sa normal ang operasyon ng Zamboanga International Airport. Lahat ng pasahero ay pinayagang makasakay at muling itinuloy ang mga flight operation nang walang aberya.

Itinuturing ng CAAP bilang seryosong banta sa seguridad ang insidente. Muling pinaaalalahanan ang publiko na ang mga bomb threat gaano man ihayag—pasalita, pasulat o sa anumang paraan—ay may kaakibat na parusang nakasaad sa Presidential Decree No. 1727, na nagpapataw ng parusa sa sinumang nagpapakalat ng mapanlinlang na impormasyon ukol sa mga bomba o pampasabog.

Binigyang-diin ng CAAP ang patuloy at matibay nitong paninindigan para sa kaligtasan ng publiko, gayundin ang mabilis at epektibong pagtugon sa anumang banta sa aviation security.

Ito ay alinsunod sa mahigpit na direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Transportation Secretary Vince Dizon na tiyaking ang pinakamataas na antas ng seguridad at proteksyon para sa mga pasahero ay umiiral sa lahat ng paliparan sa bansa, pahayag ng CAAP.