Bongalon

Bongalon nagpahayag ng suporta sa supplemental budget para punan P9B 4Ps pondo

114 Views

NAGPAHAYAG ng suporta si House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon sa panukala na magpasa ng supplemental budget upang mapunan ang P9 bilyon kakulangan sa pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ang kakulangan ay resulta ng ginawang pagbawas ni Senator Imee Marcos sa pondo ng programa noong 2023 na nagkakahalaga ng P13 bilyon na inilipat sa ibang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang panukala ay isinusulong ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez upang punan ang kakulangan ng pondo para sa nalalabing 843,000 pamilya o tinatayang 4 na milyong Pilipino na hindi pa nabibigyan ng ayuda sa ilalim ng programa.

“I strongly support this proposal to address the P9-billion deficit in the 4Ps. Batas po itong 4Ps, and we are mandated to fund its implementation. This will give justice to 4Ps beneficiaries who have been deprived of financial aid because of the deficit and the budget cut,” ayon kay Bongalon.

Nauna ng inakusahan ni Bongalon si Sen. Marcos na naglipat ng P13 bilyon pondo mula sa 4Ps sa ilalim ng 2023 national budget, bilang dating pinuno ng Senate Finance sub-committee na nangangasiwa sa pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“The longer the deficit stays, the more we deprive these 4 million poor Filipinos of a fighting chance to triumph over poverty. This program is meant to help poor Filipinos for a certain number of years, to help them in their daily needs and sending their children to school,” ayon pa kay Bongalon.

Binigyan-diin ni Bongalon na kung magkakaroon ng agwat ang pagbibigay ng ayuda sa mga benepisyaryo ng 4Ps ay maaapektuhan ang layunin ng batas na mabawasan ang bilang ng mga mahihirap sa bansa.

Ang 4Ps ay hindi isang ordinaryong programa ng DSWD kundi saklaw ito ng Republic Act (RA) No. 11310 o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act na ang layunin ay mabawasan ang kahirapan sa bansa.

“Imagine a family na nakakatanggap ng 4Ps tapos biglang nawalan noong 2023 at 2024 dahil sa deficit. Paano na ang mga anak nilang nag-aaral? Titigil ba sila dahil walang pondo para sa kanila?

Hindi tumitigil ang gastos at pangangailangan ng ating kababayan, kaya dapat natin itong lutasin,” ayon pa sa mambabatas mula sa Bicol.

Una na ring isinulong ni Suarez sa Mababang Kapulungan ang panukalang pagkakaroon ng supplemental budget upang matapalan ang kakulangang P9 bilyong na dulot ng ginawang budget realignment ni Sen. Marcos sa 4Ps budget noong 2023.

Sa briefing ng House Committees on Public Accounts and Social Services batay sa privilege speech ni 4Ps Partylist Rep. JC Abalos, inihalintulad ni Suarez sa pagnanakaw sa mahihirap na pamilya ang ginawang pagtapyas ng pondo ng 4Ps.

“Ayun ang malungkot. Ngayon hindi ko alam kung paano natin ilalarawan ang isang sitwasyon na ninakawan natin ang isang mahirap. Kasi kalimitan, ang mga mayaman ang ninanakawan,” ayon pa kay Suarez.

“Kaso lang hindi dapat ninanakawan ang mahihirap. Kasi wala na nga silang pera … Tatanggalan pa natin sila ng dapat nilang matanggap. Hindi kaya ng sikmura ko ‘yan,” dagdag pa ng mambabatas.

“Dapat ‘yung matatanggap nila buwan-buwan, natatanggap nila. ‘Yung assistance na dapat matanggap nila, natatanggap nila. Kasi oras na may pagkakataon na mayroong puwang o may gap doon sa buwan na hindi nila natanggap, pwedeng lumala yung level ng kahirapan nila,” banggit pa ni Suarez.

Nabanggit din ni Abalos sa kanyang talumpati kaugnay sa realignment, na kinumpirma ng DSWD na mayroong P9 bilyon deficit sa pondo ng 4Ps.

Kinumpirma rin ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang ginawang realignment ni Sen. Marcos ng P13 bilyon noong 2023 na dapat sana’y nakalaan sa 4Ps subalit inilagay sa mga programa tulad ng CALAHISIDS, AICS, at quick response to calamities.

Igiiit ni Suarez na ng aprubahan ang 2023 national budget sa Mababang Kapulungan ay kumpleto at walang bawas ang inilaang pondo para sa P4Ps.