Bongalon: Nakipag-ugnayan ba ICC sa PNP, DOJ kaugnay sa kaso vs Duterte?

93 Views
GUSTONG malaman ng isang miyembro ng Kamara kung nagkaroon ba ng pagkakataon ang International Criminal Court (ICC) na makausap ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ) kaugnay sa kasong crimes against humanity na kinakaharap ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa pagdinig ng House Committee on Human Rights sa isyu ng extra judicial killings (EJKs) na nagsimula sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte, nais malaman ni Ako Bicol Partylist Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon kung nakausap ba ng mga imbestigador ng international court ang mga law enforcement agency ng Pilipinas.
“Isa pa sa mga gusto nating malaman dito ay kung may nakausap na rin po yung ICC na mga PNP officials or DOJ officials patungkol dito sa crimes against humanity, because these charges will be filed against the former administration and also Sen. Bato Dela Rosa was also involved in this case,” ayon kay Bongalon sa ginanap na pulong balitaan sa Kamara.
“Yun po ‘yung mga gusto nating malaman and mabigyan ng linaw, once and for all, dahil hindi ito nabigyan ng importansya noong nakaraang administration,” ayon sa mambabatas.
Ang Human Rights panel na pinangungunahan ni Manila Rep. Bienvenido Abante ay nagsasagawa ng imbestigasyon dulot na rin ng mga resolusyong isinumite kaugnay sa mga naganap na EJK sa nakalipas na administrasyong Duterte.
Nais malaman ni Bongalon kung nagkaroon ng komprehensibong pagsisiyasat ang PNP at DOJ sa drug war ni Duterte kung saan libo-libong Filipino ang pinaslang.
“Isa sa mga dapat na tanong na dapat malaman natin eh kung nagkaroon po ba ng comprehensive investigation dito ang kasama ang DOJ noong nakaraang administrasyon. Dahil nakaka-alarma po ito sapagkat when they attended one of the committee hearings, nagkaroon kasi ng comparison as to the number of cases filed because of these EJKs compared doon sa number of victims,” ayon kay Bongalon.
“So, makikita na natin na napakalayo. The records will bear us out na kokonti pala ang nafi-file-an ng kaso patungkol dito sa madugong laban sa kampanya laban sa droga,” dagdag pa ng mambabatas.