Bosita

Bosita: Tigilan na pagsasangkalan kay Bantag tuwing may issue sa loob ng NBP

Mar Rodriguez Aug 5, 2023
292 Views

UMAAPELA si 1-RIDER Party List Congressman Bonifacio L. Bosita kay dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff at kasalukuyang Bureau of Corrections Chief na si General Gregorio Catapang, Jr. na tigilan o tantanan na umano nito ang pagsasangkalan kay dating BuCor Chief General Gerald Bantag sa tuwing magkakaron ng bulilyaso o aberya sa New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang ipinahayag ni Bosita kasunod ng pakiusap nito kay General Catapang na lubayan na umano nito ang pagkasangkapan o paninisi kay Bantag sa tuwing magkakaroon na lamang ng kontrobersiya sa loob ng NBP at ang pinaka-huli ay ang pagkawala ng isang preso na tinaguriang Prisoners Deprived of Liberty (PDL).

Ang ibinigay na pahayag ni Bosita ay kaugnay naman sa isinagawang pagdinig ng House Commmittee on Public Order and Safety patungkol sa misteryong pagkawala at pagkamatay ng bilanggo na si Michael Cataroja.

Matapos ang ilang araw na paghahalughog ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ay natagpuan ang bangkay ni Cataroja sa loob ng isang septic tank sa loob ng Dormitory 8, Quadrant B ng NBP Compund.

Dahil sa pangyayaring ito, sinabi ni Bosita na isinisisi ni Catapang ang nasabing insidente kay Bantag na dating Superintendent ng NBP noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo “Roa” Duterte. Kung saan, ang lahat ng mga pangyayari sa loob ng NBP ay lagi na lamang isinisisi ni Catapang sa kaniyang predecessor.

Dahil dito, ipinaliwanag pa ng kongresista na si Catapang ay isang retired four star general.

“Mr. Chairman si General Catapang is a retired four star General. Fomer Chief of Saff ng Armed Forces of the Philippines and ako po bilang isang retired police commission officer. Parang hindi po yata maganda Mr. Chairman na everytime na may issue sa loob ng NBP, ang laging sinasabi ni General Catapang ay Bantag, Bantag, Bantag. Dapat po mag-move on na po tayo,” sabi ni Bosita sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety.

Binigyang diin pa ng mambabatas na malaki ang kaniyang kompiyansa at tiwala sa capability ni Catapang bilang retired four star General ng AFP. Kaya masasabi na mistulang “unethical” sapagkat sa tuwing magkakaroon na lamang ng isyu sa NBP ay parang kasalanan umano ni Bantag.

“General Catapang. Ako may kompiyansa ako sa iyong capability being a retired four star General,” pahayag pa ni Bosita.