Vic Sotto

Bossing Vic balik Metro Manila Film Festival

Jun Nardo Jul 20, 2024
74 Views

BOSSING!!! Bosssing!!! Bossing!!!

Masiglang-masigla na naman ang fans ni Vic Sotto!

Balik- Metro Manila Film Festival kasi si Vic ngayong nagse-celebrate ng 50th year ang taunang pestibal ng pelikulang Pinoy.

Matapos ang limang taong pamamahinga, mapapanood muli sa MMFF ang Comedy King kung saan laging namamayani sa takilya ang kanyang Enteng Kabisote movies.

Limang movies ang inanunsiyo sa first batch ng official entries ng Metro Manila Development Authority (MMDA) last Tuesday sa Bulwagang Antonio J. Villegas ng Manila City Hall base sa scripts na isinumite.

Isa na nga rito ang pelikula ni Vic na The Kingdom.

Eh, ang bago sa movie, bukod sa kuwento, ay makakasama ni Vic sa unang pagkakataon si Piolo Pascual sa ilalim ng direksyon ni Mike Tuviera. Produced ito ng APT, M-Zet at MediaQuest Ventures.

Sa 50th year ng MMFF, muli ring mapapanood sa big screen si Vice Ganda sa pelikulang And The Breadwinner Is… kasama si Eugene Domingo.

Si Jun Lana ang director ng movie na inaasaahang magbibigay ng acting award kay Vice.

Ang ilan pang inihayag na entries ay ang The Green Bones ng GMA Pictures na pinagbibidahan nina Dennis Trillo at Sofia Pablo; Strange Frequencies: The Haunted Hospital ng Reality Films kung saan bida sina Enrique Gil at Jane de Leon; at Himala; The Musical nina Aicelle Santos at Bituin Esclante.

Bukod sa December festival, ang ilan pang activities bago ang opening sa December 25 ay ang Sine-Singkuwenta, kung saan 50 selected Filipino movies ang mapapanood sa halagang P50; regional launch ng MMFF50 sa October; MMFF50 Parade of Stars sa December 15 at ang Gabi ng Parangal sa December 27.

Ang Manila ang sentro ng MMFF50 kaya si Mayor Honey Lacuna ay todo ang paghahanda sa event na sinumulan ni dating Manila Mayor Antonio Villegas at ngayon ay pinamamahalaan na ng MMDA.

Ang pelikulang Rewind last year ang nangunang entry sa takilya. Mahigit P1B ang kinita ng Dingdong Dantes-Marian Rivera starrer noong MMFF 49.

May lima pang pelikula na iaanunsiyo ang execom bilang bahagi ng 10 official MMFF entries. Pero finished movie naman ang basehan para mapabilang sa listahang ito.

O, hala, ipun-ipon na para may perang pang-sine sa December 25, huh!