Brawner Source: PNA

Brawner nilinaw: Marines di kasama sa putukan sa Senado

Zaida Delos Reyes May 14, 2026
54 Views

NILINAW ni Armed Forces of the Philippines AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na hindi kasama ang mga miyembro ng Philippine Marines sa pamamaril sa loob ng Senado nitong Miyerkules ng gabi.

“Nakausap namin yung commander, hindi sila nagpaputok because they were there to support,” pahayag ni Brawner.

Aniya, ang mga Marines na nakita sa loob ng Senado ay naka-duty lamang para sa regular na seguridad sa gusali at hindi nagpaputok ng baril.

Trabaho aniya ng mga Marines na i-secure ang facility at hindi para maging security ng sinomang indibidwal na senador.

“They’re there to secure the facility , parang sa US din, ginaya natin yung US na mga marines ang nakabantay sa Senado nila, kongreso , sa white house.” dagdag pa ni Brawner.

Paliwanag ni Brawner, tungkulin ng Marine Security and Escort Group (MSEG) na bantayan ang mga pangunahing tanggapan ng gobyerno tulad ng Senado, Kamara, at Department of Foreign Affairs. Hindi umano sila itinalaga para sa seguridad ng isang partikular na senador.

Samantala, isang driver ng National Bureau of Investigation (NBI) ang inaresto matapos marinig ang ilang putok ng baril sa loob ng Senado sa Pasay City.

Ayon sa pulisya, gumanti lamang ng putok ang Office of the Sergeant-at-Arms matapos ang insidente.

Nangyari ito kasabay ng usapin tungkol sa posibleng pag-aresto kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng warrant mula sa International Criminal Court (ICC).