Calendar

Bro. Eddie ikinagalak pagkakapasa ng Kamara sa kaniyang online e-sabong ban bill
IKINAGALAK ni Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) Party List Representative Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva ang pagkakapasa ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ng inakda nitong House Bill No. 11254 o ang Online E-sabong ban bill.
Pagbibigay diin ni Villanueva, tagapagtatag ng Jesus Is Lord (JIL), na personal nitong nasaksihan kung papaano aniyang winasak at sinira ng Online E-sabong ang buhay, pamilya at negosyo ng napakaraming Pilipino bunsod ng kanilang labis na pagkalulong sa nasabing sugal.
Sabi pa ni Bro. Eddie na napapanahon ang pagsasabatas ng House Bill No. 11254 sapagkat ito ang tuluyang pupuksa sa isang napakasamang sugal na sumira ng maraming buhay at kinabukasan ng mga Pilipino. Kung saan, ilan sa kanila aniya ang nalugmok sa kahirapan dahil naubos ang kanilang kabuhayan sa katataya sa E-sabong.
“This Representation has been a personal witness on how E-sabong devasted lives and families. Its eradication is both a legal and moral imperative. I welcome the passage of this bill, which is long overdue. We must not allow profit and greed nip the fortune and lives of many Filipino people,” sabi nito.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Villanueva, ituturing na illegal at paglabag sa batas ang anomang uri ng sugal o online betting partikular na ang sabong. Kung saan, ipapawalang bisa (null and void) din ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang mga permit nauna ng inisyu ng naturang ahensiya para sa operasyon nito.
Kasunod nito, inaatasan din ng panukala ang mga law enforcement at cybercrime agencies na magsagawa ng monitoring kasunod ang pagsawata sa mga E-sabong platforms.
Nakapaloob din sa panukala ni Villanueva na ang sinomang lalabag ay mahaharap sa dalawang-pung taong pagkakabilanggo at pagmumultahin ng limang milyong piso.
“This reflects a resounding moral stand. Let us safeguard our people, especially the poor from the destructive schemes of greedy individuals profiting through digital means,” wika pa ni Bro. Eddie.
To God be the Glory