House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

Budol Gang nadagdagan ng Team Grocery

34 Views

MALALISTAHAN ng bibilhin sa palengke o grocery ang mga bagong pangalang nadiskubre sa dokumento na isinumite ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte na binigyan nito ng kanyang confidential funds.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union, patuloy ang paghaba ng listahan ng mga kaduda-dudang pangalan kung saan napunta ang P500 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) na pinamumunuan ni VP Duterte.

Ginawa ni Ortega ang pagbubunyag kasunod ng pagkakadiskubre sa mga pangalan tulad ng chichirya, cellphone, prutas, Dodong Gang at Team Amoy Asim—na tinawag ng mambabatas na “Budol Gang.”

Ayon kay Ortega, lalo pang lumakas ang hinala na malalaking halaga ng pondo ng gobyerno ang posibleng naipasa sa mga diumano’y pekeng indibidwal.

Binanggit din ng mambabatas mula sa La Union na ang mga bagong pangalan ay may kahalintulad sa mga pagkain na karaniwang mabibili sa palengke at grocery store.

Nangunguna sa listahan ang “Beverly Claire Pampano,” na tumutukoy sa isang sikat na isdang binebenta sa palengke at supermarket, ayon kay Ortega.

Sumunod naman si “Mico Harina,” na ang apelyido ay isang pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay at inihahalo rin sa mga lutuing Pilipino.

Naroon din sina “Patty Ting” at “Ralph Josh Bacon,” na parang mga palaman sa burger, at si “Sala Casim” na ang bigkas ay katunog ng “kasim,” na bahagi ng karne ng baboy na ginagamit sa adobo at menudo, dagdag pa ni Ortega.

“Mukhang listahan po ng mga bibilhin sa palengke o grocery ang mga bagong pangalang nakita natin,” ani Ortega, patungkol sa mga pinaghihinalaang pekeng pangalan na nauugnay sa confidential funds ng OVP—mga pangalang maaaring ilantad sa nalalapit na impeachment trial ni Duterte.

Ayon kay Ortega, ang mga pangalang Pampano, Harina, Patty Ting, Bacon at Casim ay isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA).

Tulad ng marami pang iba na na-flag ng House of Representatives, sinabi ni Ortega na ang mga pangalang Pampano, Harina, Patty Ting, Bacon at Casim ay walang katugmang birth, marriage o death records mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

“Kung hindi sila totoong tao, nasaan napunta ang pondo?” tanong ni Ortega.

Sinabi rin ni Ortega na ang kakaibang katangian ng mga pangalan ay maaaring isang paunang palatandaan lamang ng mas malaking anomalya.

Aniya, ang kawalan ng opisyal na rekord mula sa gobyerno ay nagpapahiwatig na maaaring sinasadya ang pagbuo ng “grocery list” upang mapagtakpan ang totoong pinuntahan ng confidential funds.

Naunang lumabas ang mga katulad na kontrobersya—kabilang ang mga pangalang tumutukoy sa snack brands, tech gadgets at random na alyas—sa mga naitalang dokumento kaugnay ng P612.5 milyong confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd).

“Hindi ito ang unang beses na may nakita tayong katawa-tawa o kakaibang pangalan,” ani Ortega.

“Ang mas nakakalungkot, patuloy itong nadadagdagan. Typo ba ito? Mukhang may effort na talagang mag-imbento ng listahan para pagtakpan kung saan dinala ang pondo,” dagdag niya.

Noong nakaraang linggo, isiniwalat din ni Ortega ang mga pekeng pangalang “Amoy Liu,” “Fernan Amuy” at “Joug De Asim,” na tinawag na “Team Amoy Asim.” Sila umano ay inilista bilang mga benepisyaryo ng confidential funds ng DepEd sa ilalim ng pamumuno noon ni VP Duterte.

Bukod sa mga kilalang pangalang “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin,” natuklasan din ang iba pang pangalan sa “Budol Gang,” tulad nina “Renan Piatos,” “Pia Piatos-Lim,” “Xiaome Ocho,” “Jay Kamote,” “Miggy Mango” at limang indibidwal na pawang nagngangalang “Dodong.”

Sa 1,992 na sinasabing benepisyaryo ng confidential funds sa OVP, isiniwalat ni Ortega na 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records at 1,593 ang walang death records.

Samantala, sinabi rin ni Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House committee on good government and public accountability, na 405 sa 677 pangalan na inilista bilang benepisyaryo ng confidential funds ng DepEd sa ilalim ni Duterte ay walang birth records—isang malinaw na indikasyon na posibleng peke ang mga ito.