Khonghun House Assistant Majority Leader Jay Khonghun

‘Budol style’ na hindi pagdalo ni VP Sara sa confidential fund probe tinuligsa ng Young Guns

151 Views
Ortega
Deputy Majority Leader Paolo Ortega V

TINULIGSA ng dalawang lider ng Young Guns ng Kamara si Vice President Sara Duterte kaugnay ng kanyang pahayag na huwag dumalo sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee sa Nobyembre 20 at magpadala na lamang ng affidavit, kaugnay ng alegasyon ng maling paggastos sa kabuuang P612.5 milyong confidential fund nito noong 2022 at 2023.

Naniniwala sina House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng unang distrito ng Zambales at Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng unang distrito ng La Union na ang planong gawin ni Duterte ay isang pag-iwas sa pananagutan nito.

“Walang masama sa affidavit. Pero ang problema ay ‘yung budol style niya — sinasabing hindi siya inimbitahan, pero ngayong may pagkakataon siyang linawin ang isyu, ayaw niyang humarap. Kung walang itinatago, bakit hindi kayang sagutin nang harapan ang tanong ng Kongreso at ng taumbayan?” ani Khonghun.

Sinabi naman ni Ortega na ang pagsusumite ng affidavit ay isang taktika upang makaiwas sa pag-usisa.

“Isang pambubudol na naman ito sa ngalan ng panawagang sumagot si VP Sara dahil gagamitin ang affidavit para makatakas at hindi na mag-appear sa hearing. Hindi ito sapat para linawin ang mga isyu ng confidential funds. Harapin niya ang mga tanong ng publiko at ng Kongreso,” sabi ni Ortega.

Ang House Blue Ribbon Committee, na ang pormal na tawag ay House committee on good government and public accountability, ay nag-iimbestiga sa P500 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at P112.5 milyong confidential fund ng Department of Education (DepEd), na parehong ginastos sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.

Dumalo si Duterte sa unang pagdinig noong Setyembre 18 subalit hindi naman ito nanumpa na magsasabi ng totoo kaya hindi tinanong ng mga kongresista.

Kinukuwestyon ni Duterte ang pagsasagawa ng imbestigasyon.

Sa pagdinig ng House quad committee na dinaluhan ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte noong Miyerkules ay sorpresang dumating si VP Duterte, kaya personal na iniabot rito ang imbitasyon ng Blue Ribbon committee para sa isasagawang pagdinig sa Nobyembre 20.

Sa panayam, sinabi ni VP Duterte na hindi ito dadalo sa pagdinig at magpapadala na lamang ng affidavit.

Sinabi nina Khonghun at Ortega na ang pagsusumite ng affidavit sa halip na dumalo sa pagdinig ay mistulang pagmamaliit sa prinsipyo ng transparency at accountability.

“The House Blue Ribbon Committee has given the Vice President every opportunity to clarify the use of public funds under her office. Ang tanong ng taong-bayan: nasaan ang malinaw na paliwanag?” sabi ni Khonghun.

Punto naman ni Ortega, ang patuloy na hindi pagdalo ni VP Duterte sa pagdinig ay lalo lamang magpapatindi sa pagdududa na mayroon itong itinatago kaugnay ng ginagawa niyang paggastos sa confidential fund.

“Kung magpapatuloy ang pag-iwas, lalong magdududa ang publiko. Huwag natin hayaan ang mga ‘budol’ tactics na maghari,” ani Ortega.

Hinimok ni Khonghun si VP Duterte na ikonsidera ang pagdalo at iginiit ang kahalagahan ng tiwala ng publiko.

“As public servants, our duty is to the people. Vice President Duterte owes it to the Filipino people to provide answers — not just on paper, but in person,” dagdag pa nito.