Calendar

Bukod sa ‘chichiria’ at ‘Dodong gangs,’ ‘Amoy’ ‘Asim’ binigyan din ng confi funds ni VP Sara
PATULOY ang paghaba ng listahan ng mga miyembro ng grupo na tinaguriang “Budol Gang” na binubuo ng mga kaduda-dudang pangalan na nasa listahan ng binigyan ni Vice President Sara Duterte ng kanyang confidential fund na may kabuuang halagang P612.5 milyon.
Sa patuloy na pagsuri sa pinagkagastusan ng confidential fund na ipinagkatiwala kay Duterte noong ito ay kalihim pa ng Department of Education (DepEd), sinabi ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na lumabas ang tinawag niyang “Team Amoy Asim.”
“Sa patuloy na pagsusuri ng Kongreso sa listahan ng mga nakatanggap ng confidential funds sa DepEd, may bagong grupo na naman—ang tinatawag nating ‘Team Amoy Asim’,” ani Ortega.
Kabilang sa mga bagong pangalang lumutang ang “Amoy Liu,” “Fernan Amuy” at “Joug De Asim.”
Ang mga pangalang ito ay dagdag sa lumalaking listahan ng mga kahina-hinalang pangalan na umano’y ginamit upang bigyang-katwiran ang milyun-milyong confidential fund allocations sa ilalim ng DepEd.
Bukod sa ngayo’y kilalang “Mary Grace Piattos,” ilang miyembro rin ng “Budol Gang” ang nabunyag, kabilang sina “Renan Piatos,” “Pia Piatos-Lim,” “Xiaome Ocho,” “Jay Kamote,” “Miggy Mango” at limang indibidwal na pawang pinangalanang “Dodong” bilang umano’y mga benepisyaryo ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Ortega, sina Liu, Amuy at De Asim ay walang birth, marriage o death records sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sinabi ni Ortega na ang mga pangalan ay isinumite ng OVP at DepEd sa Commission on Audit (COA).
Ang kawalan ng mga pangalang ito sa opisyal na talaan ay nagbubunga ng seryosong pagdududa sa pagiging lehitimo ng mga pondong inilabas.
“Una, may chichiria, may cellphone at may prutas. Sumunod ang ‘Dodong Gang.’ Ngayon naman, nandito na ang ‘Team Amoy Asim.’ Kung sa listahan pa lang ay maasim na ang dating ng pekeng mga pangalan, paano pa kaya sa mga transaksyon mismo?” tanong ni Ortega.
Mula sa 1,992 na sinasabing nakatanggap ng confidential funds sa OVP, sinabi ni Ortega na 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records at 1,593 ang walang death records.
Nauna nang ibinunyag ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng House committee on good government and public accountability, na 405 sa 677 pangalan na nakalista bilang benepisyaryo ng confidential funds ng DepEd sa ilalim ni Pangalawang Pangulong Duterte ay walang birth records—isang malinaw na indikasyon na peke ang mga pangalan.
“Anong klaseng payroll ito? Lahat ng pangalan ay parang gawa-gawa lang. Imposible ang ganito kung sumusunod sa tamang proseso,” diin ni Ortega.
Sa kabila ng paulit-ulit na kahilingan para sa paliwanag, hindi pa nagbibigay ng malinaw na sagot ang Pangalawang Pangulong Duterte.
Nang tanungin tungkol sa mga kahina-hinalang pangalan sa isang panayam sa The Hague, iginiit ni VP Duterte na hindi niya maaaring beripikahin ang mga dokumento dahil sa pagdududa sa chain of evidence.
Itinuring ito ni Ortega bilang isa pang tangka upang iwasan ang pananagutan.
“Kung maayos ang sistema, bakit parang magic na lang na napunta ang pera sa mga pangalan na wala namang pagkatao? Nasaan ang mga dokumento? Nasaan ang mga sagot?” ani Ortega. “Kung ito ay hindi panloloko, bakit hindi nila maipaliwanag nang maayos?”
Binigyang-diin ni Ortega na ang lumalaking bilang ng mga kahina-hinalang pangalan ay nagpapakita ng tila sinadyang modus upang mag-imbento ng mga benepisyaryo at abusuhin ang pondo ng bayan.
“Hindi ito simpleng kapabayaan. Peke ang mga pangalan sa liquidation. Nasaan ang kanilang pananagutan?” ani Ortega.
Sa nalalapit na pagsisimula ng impeachment trial sa Senado sa Hunyo, hinimok ni Ortega si Duterte na itigil na ang mga palusot at harapin ang mga alegasyon nang direkta.
Binigyang-diin niya na nararapat lamang na masagot ng malinaw ang mga tanong at hindi ito iwasan.
“Kahit anong pagtatago ang gawin, aalingasaw at aalingasaw lahat ng mga ito,” diin ni Ortega.