Sara Ipinapamahagi ni Lakas-CMD vice presidential candidate, Davao City Mayor Sara Duterte ang kanyang mensahe ng pagkakaisa sa mga 20,000 supporters sa BBM-SARA tandem campaign rally sa Guiguinto Municipal Arena sa Bulacan. Kuha ni VER NOVENO

Bulakeño suporta sa BBM-Sara tandem

512 Views

IPINAKITA ng mga Bulakeño ang kanilang pagsuporta sa BBM-Sara UniTeam.

Mainit ang naging pagtanggap at dumagsa ang mga tao na nakasuot ng damit na pula at berde sa tatlong campaign rally sa Bulacan nina presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte.

“Kitang-kita po sa dami ng mga nagpunta ngayon dito kung ano ang pulso ng Bulacan,” sabi ni Bulacan Vice Governor Willy Sy-Alvarado na ang pinatutungkulan ay ang dami ng pumunta sa campaign rally para magpakita ng suporta kina Marcos at Duterte.

Si Sy-Alvarado ang nagpakilala kay Marcos bilang susunod na Pangulo ng bansa at kapitan ng barko ng mga Pilipino.

“Isa pong malaking karangalan na ipagkaloob sa inyo ang susunod na pangulo ng ating bansa, ang magiging kapitan ng barko na siya pong magtatawid sa atin upang marating natin ang ating pangarap na kapayapaan at kaunlaran para sa ating bayan,” sabi pa ni Sy-Alvarado na tumatakbo sa pagkagubernador sa paparating na halalan.

Sinabi naman ni Guiguinto Mayor Ambrocio “Boy” Cruz Jr. na nagulat siya sa dami ng pumunta.

Ayon kay Cruz sinabihan lamang sila na pupunta ang UniTeam dalawang araw ang nakakaraan kay hindi sila gaanong nakapaghanda.

Kaya naman nagulat ito sa dami ng pumunta sa rally sa Guiguinto.

“Alam po ninyo noong tawagan tayo para magpapa-meeting dito dalawang araw lang, sabi ko, ‘Ano kami, magic?’ Pero natamaan ang buong lalawigan kung gaano ko kamahal si BBM at Sara, kaya narito kayong lahat,” sabi in Cruz.

Tumindig umano ang kanyang balahibo dahil damang-dama nito ang pagmamahal ng lalawigan ng Bulacan kina Marcos at Duterte.

Sumunod na nagtungo ang UniTeam sa Meycauayan College Annex, sa Barangay Malhacan sa Meycauayan at open space sa Barangay Santa Clara sa bayan ng Sta. Maria.

Nanalo si Marcos sa Bulacan noong 2016 vice presidential election.