Bulusan

Bulusan Volcano nasa Alert Level 1

241 Views

ITINAAS na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHVOLCS) sa level 1 ang alert status ng Bulusan Volcano mula sa alert level 0 noong Linggo dahil sa low-level unrest matapos ang sunod-sunod na pagyanig mula pa noong Marso 15.

Sa pinakahuling bulletin, sinabi ng PHIVOLCS na nakapagtala ng 475 volcanic earthquakes mula pa noong Marso 15 ang bulkan.

Ang mga pagyanig dulot ng pagbitak ng bato sa mababaw na bahagi ng bulkan, ayon sa ahensiya.

Ayon pa sa PHIVOLCS, kahalintulad ito ng mga naitalang aktibidad bago ang mga nakaraang pagsabog noong 2022 at 2025.

Napansin din ang pamamaga o inflation ng ilang bahagi ng bulkan, ayon sa ahensiya, na indikasyon ng paggalaw sa ilalim nito.

Mayroon ding mahina hanggang katamtamang pagbuga ng sulfur dioxide mula sa mga bunganga.

Pinangangambahan ang posibleng phreatic eruption o steam-driven na pagsabog anumang oras.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong permanent danger zone (PDZ), habang pinaiigting ang pag-iingat sa loob ng 2-kilometrong extended danger zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi ng bulkan.

Pinag-iingat din ang mga residente sa mga ashfall, pagguho ng lupa, pagbagsak ng bato, at pyroclastic density currents.

Ang mga komunidad sa kanlurang bahagi ng bulkan ay pinaghahanda sa posibleng pag-ulan ng abo.

Nagpaalala rin ang PHIVOLCS sa mga piloto na umiwas sa paglipad malapit sa tuktok ng bulkan dahil sa panganib na dulot ng abo sa eruptions.

Samantala, pinayuhan ang mga nakatira malapit sa ilog at sapa na maging alerto sa posibleng lahar o rumaragasang putik, lalo na kung sasabay ang malakas na ulan.

Binabantayan ng PHIVOLCS ang sitwasyon at tiniyak na maglalabas ng panibagong abiso sakaling magkaroon ng pagbabago sa aktibidad ng Bulkang Bulusan.