Magsino

Buong puwersa ng pamahalaan vs POGOs kailangan — Magsino

Mar Rodriguez Mar 11, 2025
23 Views

BINIGYANG DIIN ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na kinakailangan ang buong puwersa ng gobyerno para sugpuin ang talamak na pambi-biktima ng Offshore Gaming Operators (OGOs) sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Mariing kinondena ni Magsino ang pambi-biktima ng mga taong nasa likod ng operasyon ng OGO kung saan illegal na inire-recruit ang mga OFWs para ipadala at magtrabaho sa OGOs partikular na sa mga bansang gaya ng Cambodia, Myanmar at Laos.

Sabi ni Magsino na madaling na-eengganyo ang mga OFWs sapagkat nililinlang sila ng mga illegal recruiters na mayroong lehitimong kabuhayang nag-aantay sa kanila sa ibang bansa. Subalit sapilitan aniya silang pinagta-trabaho sa mga operasyon ng OGO.

Nabatid pa sa OFW Lady solon na pagdating mga na-recruit na Pilipina sa ibang bansa ay nakakaranas umano ang mga ito ng pang-aapi, pang-aabuso, pananakit at iba pang hindi makataong pagma-maltrato sa kamay ng mga dayuhang kakuntsaba ng mga illegal recruiter.

Pagdidiin ni Magsino na bagama’t winakasan na ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang paghahari at pamamayagpag ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dito sa bansa. Subalit hindi parin tumitigil aniya ang mga illegal recruiters sa pambi-biktima ng mga Pilipina para illegal na pag-trabahuhin sa OGOs.

“Winakasan na ang paghahari ng mga POGO dito sa Pilipinas sa utos ni President Bongbong Marcos, Jr. ngunit hindi pa rin tumitigil ang mga illegal recruiter sa pandadamay sa ating mga kababayan sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad sa mga OGOs sa South East Asia,” ani Magsino.

Dagdag pa ni Magsino na napakarami ng Pilipino ang nabibiktima ng mga illegal recruiters kaya kinakailangan na talagang gamitin ng pamahalaan ang buong puwersa nito para puksain ang nasabing modus.

Ayon din kay Magsino, sa kasalukuyan ang Department of Migrant Workers (DMW) ay nagsasagawa na ng imbestigasyon upang matukoy ang mga tao at grupong nasa likod ng OGOs.