Calendar
Bus humabol sa stoplight sa QC; lola nasagasaan
PAUWI na sana ang isang 57-anyos na lola nang masagasaan at pumailalim pa sa gulong ng bus nang habulin ng driver nito ang stoplight sa Quezon City nitong Sabado ng gabi.
Dead on the spot ang biktima na si Erlinda Linay Aguilar, 57, walang asawa, at nakatira sa Escopa IV, Quezon City.
Agad namang inaresto ang suspek na si alyas Siguerra, walang asawa, 51, at residente ng Don Bosco St., Better Living Subd., Parañaque City.
Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, bandang 6:00 ng gabi (December 7), nang maganap ang aksidente sa P. Tuazon kanto ng J.P Rizal, sa Brgy. Marilag, Quezon City.
Batay sa imestigasyon, nasa kalagitnaan ng pedestrian lane ang matanda nang biglang kumaliwa ang Daewoo Truck Bus na minamaneho ni Siguerra sa intersection, at nasalpok ang biktima.
Sinabi ni Brgy. Marilag responder Danilo Gapas, hinahabol umano ng bus driver ang stoplight kaya ‘di napansin nito na may tumawid na matanda.
Agad rumesponde ang mga barangay tanod upang tumulong sa pagkuha ng bangkay ng matanda sa ilalim ng gulong ng bus na umabot ng dalawang oras.
Nakapiit na ang driver ng bus sa Quezon City Traffic Sector 3, at inamin na hindi niya nakita ang matandang tumatawid kaya niya nasagasaan.
“Wala po akong napansin na may tumatawid na mga tao. Malinis po ‘yung kalsada nu’ng time na ‘yun. Naramdaman ko lang may kumalabog sa likuran…Tumigil po ako,” pahayag ng driver.
Inihahanda na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa bus driver.