Artes

Bus na biyaheng probinsiya pwede na sa EDSA simula Dec. 20

Edd Reyes Dec 6, 2024
63 Views

Artes1PAPAYAGAN pansamantala ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes ang mga provincial buses na tumahak sa EDSA mula Disyembre 20 hanggang Enero 2, 2025 upang makasakay ang inaasahang pagdami ng pasahero ngayong Kapaskuhan.

Mula Disyembre 20 hanggang 25, papayagan ang mga provincial buses sa EDSA ng mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga at mula Disyembre 26, hanggang Enero 2, 2025 puwede na silang tumahak ng 24-oras. Mahigit 21,000 mga bus ang makikinabang sa naturang traffic scheme.

Gayunman, nilinaw ni Atty. Artes na lahat ng provincial buses na galing Norte ay hanggang Cubao sa Quezon City lamang papayagan habang ang mga manggagaling sa Katimugan ay hanggang sa terminal lang nila sa Pasay o hanggang sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) lamang.

Dagdag pa ni Artes, umabot na sa 464.000 ang tumatahak na behikulo sa EDSA at inaasahang aabot pa ito ng hanggang 480.000 sa ikatlong linggo ng Disyembre kaya’t ang dating 21 kilometro kada oras na biyahe rito ay posibleng maging 15 kilometro na lamang kapag malapit na ang Pasko.

“Albeit there is an expected increase in vehicular volume this Christmas season, we want our bus operators to serve more passengers for their convenience and faster travel to their respective destinations,” sabi pa ni Artes bagama’t tiniyak niyang hindi maa-apektuhan ang operasyon ng bus carousel dahil hindi puwedeng tumahak dito ang mga provincial buses.

Pinaaalalahanan naman niya ang publiko na planuhin ang kanilang pagbiyahe lalu na ang mga magtutungo sa mga mall at hinimok din niya ang marami na sumakay na lamang sa bus carousel sa halip na magdala ng kanilang sasakyan.

Samantala, nagpatupad din ang MMDA ng kautusan sa kanilang mga traffic personnel na palawigin ng hanggang alas-12 ng hatinggabi ang duty mula sa normal na alas-10, kasabay ng direktiba na nagbabawal sa pagbabakasyon o pagliban sa trabaho.