Valeriano

Butas, problema sa ipinatupad na aid program ng OVP, nasilip ng COA -Valeriano

Mar Rodriguez Dec 16, 2024
68 Views

INIHAYAG ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano na maraming butas at problema ang nasilip ng Commission on Audit (COA) patungkol sa kung papaano ipinatupad at ipinamahagi ng Office of the Vice President (OVP) ang kanilang iba’t-ibang “aid programs”.

Sabi ni Valeriano, Chairman din ng House Committee on Transportation, na ang naturang usapin ay lumabas mismo sa 2023 audit report ng COA kung saan natuklasan na maraming kaduda-duda at problema sa mga ipinatupad na aid programs ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Valeriano, ang ilan sa mga problemang binabanggit ng COA ay wala umanong maibigay na “distribution lists” ang OVP. Habang binanggit din sa kanilang report na pinaalalahanan pa nito ang OVP na kinakailangan ng isang maayos at certified na distribution lists para sa mga naging benepisyaryo ng mga ipinamahaging NFA rice.

Ipinaliwanag ng kongresista nagkaroon ng NFA rice distribution ang OVP para sa mga napiling benepisyaryo. Subalit hindi naman aniya makapag-bigay ng maayos at certified na listahan ang OVP kaugnay sa mga ipinamahagi nilang bukas. Kung saan, malinaw aniya na isang “bogus” o peke lamang ang naturang NFA rice distribution nito.

Pagdidiin ni Valeriano na papaano ngayon ang gagawin ng OVP o papaano nila mailalabas ang listahan na hinihingi ng COA gaya ng ginawa nilang pamemeke sa acknowledgment receipt na ipinangalan nila sa isang “Mary Grace Piattos”.

“How will the OVP produce distribution lists now? The same way they made up acknoweledgment receipts with names like Mary Grace Piattos. The accomplishment reports did not include distribution lists,” ayon kay Valeriano.

Bukod dito, nabatid pa kay Valeriano na nakita din ng COA na depektibo ang programa ng OVP patungkol sa “OVP PabaBAGo program” na may kinalaman niya sa pamamahagi nito ng mga school bags para sa mga batang estudyante na may kasamang mga dental kits.