Lacuna

Buwanang allowance ng mga senior citizen sa Manila itinaas

Edd Reyes Oct 12, 2024
91 Views

ITATAAS sa P1,000 kada buwan mula sa P500 simula sa Enero 2025 ang buwanang allowance ng mga senior citizen sa Maynila, ayon kay Mayor Honey Lacuna-Pangan.

“Tayo po ay gawa at aksyon. ‘Yung iba, pangako at laway lang. Iniisip pa lang nila tayo po heto na ang resulta kasi tinaasan na natin ang senior citizen’s allowance,” pahayag ni Lacuna ng dumalo sa fellowship night ng mga pangulo ng mga senior citizen sa 896 na barangays sa pagdiriwang ng International Elderly Week.

“Ginawa rin po nating sistematiko at mas maayos ang proseso sa distribution ng senior’s allowance. Malaki na ang improvement mula noong tayo naging punong lungsod,” dagdag pa ng alkalde.

Mahigit 200,000 ang mga senior citizen sa Maynila ang inaasahang makakatanggap ng P3,000 bawa’t isa sa oras na ipamahagi sa Marso ang kanilang quarterly payout.

Inihayag pa ng alkalde na sa ilalim ng kanyang pamamahala napagbuti at napalakas ang social amelioration programs upang matiyak na ang mga ginugugol na pondo ng lungsod magiging maayos, masinop at lahat ng kakulangan matatakpan upang mapigilan ang panlilinlang at paggamit ng kapangyarihan para sa pansariling kapakanan.

Kukunin ang pondo para sa karagdagang buwanang allowance ng mga senior citizen mula sa inilaang budget ng lungsod para sa 2025 sa ilalim ng ipinasang City Ordinance No. 9075 ng Sangguniang Panlungsod.