Calendar

CA panel inaprubahan nominasyon 2 itinalaga sa CSC, COA
INAPRUBAHAN ng Senate panel ng Commission on Appointments (CA) ang nominasyon ng dalawang opisyal sa Civil Service Commission (CSC) at Commission on Audit (COA), habang naantala naman ang pagtalakay sa dalawang nominado sa Commission on Elections (COMELEC).
Sa pag-upo ng CA Committee on Constitutional Commissions and Offices noong Hunyo 4, 2025, pormal na inindorso ni Senadora Cynthia A. Villar ang appointment ni Luis Meinrado Pañgulayan bilang Komisyoner ng CSC. Papalitan niya si Aileen Lizada, na natapos ang termino noong Pebrero 2.
Taglay ni Pañgulayan ang malawak na karanasan sa pamahalaan. Nagsilbi siya bilang Undersecretary for Planning and Research sa Department of Agrarian Reform at naging direktor din ng Career Executive Service Board.
Gayundin, sinang-ayunan ng komite ang nominasyon ni Douglas Michael Nocum Mallillin bilang Komisyoner ng COA. Isusumite na ito sa plenary session ng CA para sa pinal na pag-apruba.
Samantala, ipinagpaliban naman ng CA ang deliberasyon sa mga ad interim appointments nina Maria Norina Tangaro-Casingal at Noli Rafol Pipo bilang mga komisyoner ng COMELEC. Ayon kay Villar, ito ay dahil sa “lack of material time.”
Ang dalawang inendorsong nominasyon ay inaasahang tatalakayin sa susunod na sesyon ng buong Commission on Appointments.