Calendar

CAAP binatikos namemeke ng pilots’ license
KINONDENA ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang naaresto dahil sa illegal at mapanlinlang na pag-iisyu ng pekeng lisensya para sa mga piloto at tagapag-ayos ng eroplano.
Ayon sa CAAP, tahasang paglabag sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Department of Transportation ang pag-isyu ng pekeng lisensya sa mga pilot dahil kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at manggagawang panghimpapawid ang nakataya dito.
Binibigyang-diin ng CAAP na walang shortcut sa pagiging lisensyadong piloto sa Pilipinas.
Ang mga nais maging aviator kailangang sumailalim sa masusing pagsasanay at sertipikasyon alinsunod sa Philippine Civil Aviation Regulations (PCAR) na nakahanay sa mga pandaigdigang pamantayan ng kaligtasan sa aviation.
Inutusan ni CAAP Director General Raul Del Rosario ang pagsusuri sa sistema ng paglilisensya ng ahensya, pati na ang pagpapatibay ng mga hakbang at proseso upang matukoy ang kahinaan at maiwasan ang muling paglabag.
Nagpasalamat ang CAAP sa National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang aksyon sa paglantad ng panlolokong ito.
Ang kanilang hakbang ay patunay ng magkatuwang na hangarin ng pamahalaan na igalang ang batas at pangalagaan ang kapakanan ng publiko.
Naninindigan ang CAAP sa misyon nitong panatilihin ang pinakamataas na antas ng kaligtasan sa aviation, transparency at pagsunod sa regulasyon.
Ang kaligtasan ng bawat pasahero ay pinakamahalaga. Patuloy na gagawin ng CAAP ang lahat ng kinakailangang hakbang upang protektahan ang integridad ng civil aviation system sa Pilipinas, ayon sa ahensya.