CAAP

CAAP buo ang suporta sa 1st Instructors’ Fellowship

Jun I Legaspi Feb 25, 2026
114 Views

IPINAHAYAG ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang buong suporta nito sa Civil Aviation Training Center (CATC) sa pagsasagawa ng kauna-unahang Instructors’ Fellowship noong Martes, Pebrero 24, na nagtipon ng mga guro at instruktor sa larangan ng abyasyon upang higit pang palakasin ang pagsasanay.

Binigyang-diin ng CAAP ang mga kasalukuyan at nakatakdang pamumuhunan para sa CATC, kabilang ang pagpapalawak ng gusali, modernisasyon ng mga pasilidad at kagamitan sa pagsasanay, pagbili ng mga simulator, at pagpapatupad ng bagong automated Aeronautical Information Services system bilang bahagi ng paglipat tungo sa smart classroom learning.

Itinampok din ng Awtoridad ang mahalagang papel ng mga instruktor sa paghubog ng Next Generation of Aviation Professionals (NGAP), na may tungkuling maglinang ng mga propesyunal na may kakayahan at nakatuon sa kaligtasan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Kalihim ng Transportasyon Giovanni Lopez.

“Kinikilala namin ang kritikal na papel na inyong ginagampanan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng ating himpapawid. Ang pagsasanay ang pundasyon ng kaligtasan, at ang kaligtasan ay hindi maaaring isantabi. Habang pinapaunlad natin ang ating mga sistema at pasilidad, ang pinakamahalaga pa ring puhunan ay ang ating mga tao,” pahayag ni CAAP Director General Retired Lt. Gen. Raul Del Rosario.

Noong nakaraang taon, nakamit ng CATC ang dalawang pandaigdigang tagumpay sa ilalim ng ICAO TRAINAIR Plus Programme, nang makuha ang Silver membership noong Enero 1 at Gold membership noong Disyembre 11, na nagpapakita ng mabilis na pag-unlad at pagsunod sa pandaigdigang pamantayan sa pagsasanay pang-abyasyon.