Calendar

CAAP: Maging responsable sa paggamit ng drone
NANAWAGAN ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa publiko na maging responsable sa paggamit ng mga drone, kasabay ng patuloy nitong kampanya para sa kaligtasan ng mga mamamayan at pangangalaga sa pambansang himpapawid.
Ang panawagan ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng administrasyong Marcos sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas, kung saan binibigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., katuwang ang Department of Transportation (DOTr) at CAAP, ang kahalagahan ng maingat at makabuluhang paggamit ng mga Remotely Piloted Aircraft (RPA) o drone upang maiwasan ang banta sa buhay ng tao at sa seguridad ng mga paliparan.
Kaugnay nito, naglabas ang CAAP ng isang infographic na naglalaman ng mga paalala ukol sa tamang paggamit ng drone. Kabilang sa mga dapat tandaan ay ang pag-iwas sa mga lugar na nasa loob ng 10-kilometrong no-fly zone sa paligid ng mga paliparan, at ang pagtiyak na nananatiling nakikita ng mata ang drone habang lumilipad. Pinapayuhan din ang mga operator na agad na i-landing ang kanilang drone sakaling may mapansing malapit na eroplano, at iulat agad sa CAAP ang anumang pinsalang idinulot nito sa loob ng 48 oras.
Bilang bahagi ng pag-iingat, mariing ipinagbabawal ng ahensya ang pagpapalipad ng drone habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak o ipinagbabawal na gamot, pati na rin ang paggamit nito sa gabi, sa ibabaw ng mataong lugar, o sa malapit sa mga pasilidad na sensitibo at aktibong lugar ng mga paliparan.
Pinaalalahanan din ng CAAP ang mga nagnanais mag-operate ng drone para sa komersyal na layunin na kumuha muna ng Certificate of Authorization (COA) mula sa ahensya. Dagdag pa rito, hinihikayat ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagsunod sa umiiral na mga ordinansa sa kani-kanilang lugar.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa ligtas at tamang paggamit ng drone, maaaring bisitahin ang opisyal na website ng CAAP sa [www.caap.gov.ph](http://www.caap.gov.ph) o tumawag sa (02) 8246-4988.