Calendar

Caloocan coffee shop hinoldap; 2 suspek nahuli
SAPOL sa close circuit television (CCTV) ang panghoholdap ng dalawang armadong lalaki sa isang coffee shop na Caloocan City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Dakong alas-11:30 ng gabi ng Lunes nang pasukin nina alyas Topher, 47, na armado ng Uzi submachine gun, at alyas Balueg, 50, ang coffee shop sa 191 A. Mabini St. Maypajo, Brgy, 30 bago tumakas tangay ang dalawang Ipad ng mga customer na sina alyas Eugene at Lyssa at P2,500 sa kaha ng coffee shop.
Nang makaalis ang mga suspek, lumabas ng coffee shop ang mga service crew na sina alyas Jhon, 22, at Carl, 19, para humingi ng saklolo sa mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles.
Nadakip si alyas Topher at nabawi ang Uzi submachine gun na may anim na bala ng kalibre 9mm.
Sa follow-up operation ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan at Tuna Police Sub-Station 1, nadakip sa Brgy. Longos sa Malabon City si alyas Balueg.
Ayon kay BGen. Ligan, mahaharap sa kasong robbery ang mga suspek habang karagdagang paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Batas Pambansa Blg. 881 o ang Omnibus Election Code si alyas Topher sa Caloocan City Prosecutor’s Office.