Calorie Source: FB post

Calorie labeling ordinance ipatutupad na sa QC

Cory Martinez Jan 30, 2025
17 Views

OBLIGADO na ang mga restaurant, fast food chain at iba pang mga food establishments sa Quezon City na isapubliko ang calorie count ng bawat pagkain na sini-serve sa mga kustomer matapos pirmahan ni Mayor Joy Belmonte ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng “Quezon City Calorie Labeling Ordinance.”

Sa nilagdaang IRR, mayroon nang malinaw na timeline at panuntunan ang mga restaurant kung paano sila makakasunod sa probisyon ng ordinansa.

Ayon kay Belmonte, kabilang ang naturang inisyatiba sa pangako nitong pagandahin ang kalusugan ng QCitizen sa pamamagitan ng pagbuo ng isang environment kung saan mayroong silang pagkakataon na makapili ng tamang pagkain.

Sa ilalim ng IRR, ang mga nutrition information na nasa standard menu item ng lahat ng mga restaurant ang calorie content, nutrients concern at reference daily calorie requirement.

Sa calorie content, kinakailangan na nakasulat ito bilang abbreviation na “kcal” sa printed at electronic menu at menu board. Dapat madali itong mabasa at naka-posisyon malapit sa pangalan ng pagkain o presyo nito.

Para sa elctronic at printed menu boards, nakasulat dapat ito ng 50 porsyento ng size ng pinakalaking letra o numero na ginamit sa pangalan ng pagkain o presyo.

Para sa mga in-store electronic self-order kiosk at hand-held, ang font size ng calorie content dapat katumbas o mas malaki sa letra o numero na ginamit sa pangalan ng pagkain o presyo.

Kinakailangan namang gagawin ang kalkulasyon ng calorie at nutrient ng isa sa mga sumusunod katulad ng Food and Drug Administration (FDA)-accredited laboratory; isang Registered Nutritionist-dietician ng isang food business; paggamit ng Food and Nutrition Research Institute’s Menu Eval Plus tool o nutrient databases.

Sa ilalim pa ng ordinansa, ang mga lalabag sa unang offense mabibigyan ng notice of violation at may multa na P1,000.

Sa second offense, ma-iisyuhan ng second notice of violation ang establisiyemento, multa ng P2,000 at pagbibigay ng training sa tamang pagtupad sa ordinansa sa may-ari, pangulo, general manager at iba pang accountable officer.

Para sa pangatlong offense, mabibigyan ang mga lumabag ng pangatlong notice of violation, multa na P3,000 at pag-isyu ng Cease-and-Desist Order (CDO) at sa pang-apat na offense, pagmumultahin ang lumabag ng halagang P5,000 at revocation ng business permit.

Samantala, mabibigyan din naman ng insentibo ang mga establisiyemento na magboboluntaryo ng pagsasapubliko ng kanilang nutrition information.

Kabilang sa mga insentibo ang pagpromote at public recognition ng establisiyemento sa iba’t-ibang medium tulad ng website, social media at local publication.