CAAP

CAP para tapusin 165K kakulangan sa silid-aralan suportad ng mga senador

258 Views

NAGKAISA ang mga senador sa pagsuporta sa Classroom-Building Acceleration Program (CAP) na layong tapusin ang 165,000 kakulangan ng silid-aralan sa bansa sa pamamagitan ng mas mabilis at mas tapat na pagtutulungan ng pamahalaan, mga LGU, at civil society groups.

Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na tama lamang aniyang bigyan ito ng matinding suporta para sa mga kabataan na dapat magkaroon ng tamang edukasyon.

“With the number of sponsors and co-authors of this measure, we might as well pass it today,” ani Sotto.

Tugon naman ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, “Sunod-sunod, kaliwa’t kanan ang mga lindol at bagyo na winasak ang mga silid-aralan sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Malinaw na malinaw, kailangang apurahin ang muling pagpapatayo at pagpapalawak ng ating public education infrastructure,” aniya. “Walang labis, walang kulang, at higit sa lahat walang kickback.”

Ibinulgar naman ni Sen. Pia Cayetano ang seryosong datos ng DepEd tungkol sa pondo at shortage. “Ang shortage ay 165,000 na… ₱13.25 billion lang sa 2026 NEP; sa presyong ₱2.5 million bawat classroom, 5,300 lamang ang maitatayo — aabutin ng 31 taon para maubos ang backlog,” aniya. “Ang mga school building ay dapat climate-resilient at handa sa blended learning.”

Binatikos ni Sen. Loren Legarda ang pag-asa ng gobyerno sa konkreto bilang solusyon sa problema ng baha. “For decades we’ve answered floods with concrete — higher walls, longer dikes — yet every storm proves concrete alone cannot protect us, especially when weakened by corruption or lost as ghost projects,” aniya. “At the end of the day, flood control should not be measured by how many walls we build, but by how many lives and ecosystems we protect.”

Buong suporta rin ang ibinigay ni Sen. Robin Padilla kung saan ay sinabi nito, “Ang aking pagbisita sa mga paaralan mula Tawi-Tawi hanggang Aparri, paulit-ulit kong nakikita ang kakulangan sa silid-aralan — mga batang nagsisiksikan, mga pasilyong ginawang classroom dahil sa kakulangan ng espasyo,” aniya. “Ito ay para sa isang adhikaing makatutulong sa ating mga kabataang Pilipino.”

Sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na ang nasabing batas na ito ay magbibigay kapangyarihan sa ating mga lokal na lider na makapag desisyon sa isyung ito.

“ Bibigyan natin ng kapangyarihan ang mga LGU na sabay-sabay magpatayo ng mga silid-aralan upang sabay-sabay ding matuto ang ating mga bata,” aniya.

Dagdag naman ni Sen. Risa Hontiveros malaking tulong ito sa mga kabataan lalo na ang maraming kababaihan at mga LGBTQ na dumadanas ng maraming hamon para lamang makapag aral.

“Hindi lang ito tungkol sa pagdagdag ng classroom; ito rin ay tungkol sa paglikha ng ligtas at inklusibong espasyo para sa lahat ng mag-aaral — lalo na sa mga babae, LGBTQ, at mga nasa liblib na lugar,” giit ni Hontiveros.

Sinabi ni Sen. Raffy Tulfo na napapanahon na para lagyan ng sistema ang pagsasa ayos ng mga silid aralan.

“Panahon na para baguhin ang sistema. Ang DPWH ay hindi dapat laging may hawak ng lahat ng proyekto kung palpak naman ang resulta. Mas mabuting ang mga LGU na mismo ang gumawa dahil alam nila ang pangangailangan ng mga bata,” ani Tulfo.

Dagdag naman ni Sen. Erwin Tulfo, “Mas mabilis at mas ligtas na classrooms para sa mga bata. Kailangan nating tiyakin na bawat piso ng pondo ay nakakarating sa tamang silid-aralan.”

Ayon kay Sen. Joel Villanueva, “Nung marinig natin kay Sec. Vince na 22 lamang silid-aralan, talagang mas lalo po tayong nanlumo,” aniya.

Sinabi naman ni Sen. Christopher “Bong” Go na ang kabataan ang pag-asa ng ating bayan.

“Kahit saan po ako pumunta… ang nilalapit ay kakulangan ng classroom… With this bill lalakas ang partnership ng national government, LGUs, private sector at CSOs,” giit ni Sen. Go.

Ang CAP ay kabilang sa LEDAC priority measures na isinusulong ng Palasyo at inaasahang mapapasang bago ang 2026 budget deliberations.