Caretaker

Caretaker tiklo sa ‘hot lumber sa San Antonio

Steve A. Gosuico Oct 22, 2025
282 Views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Nueva Ecija ang isa umanong lumber safehouse dito at inaresto ang caretaker nito matapos makakuha ng nasa P50,000 halaga ng iba’t ibang uri at sukat ng undocumented lumber nitong Sabado, ayon sa ulat.

Kinilala ni CIDG-NE provincial officer Lt. Col. Neilmar T. Retana ang naarestong suspek na si Alyas Topher, na nahuli habang nasa akto ng pangangalap ng mga illegal forest products sa Bgy. Santa Barbara alas 12:50 ng tanghali dito.

Ayon kay Retana, ang operasyon ay ipinatupad sa ilalim ng Flagship Project ng CIDG na Oplan Kalikasan at sa pakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources-CENRO-Cabanatuan City.

Nasamsam sa raid ang 52 piraso ng samu’t saring produktong kahoy na may tinatayang market value na ₱50,000.00.

Pinuri ni CIDG regional field unit-3 chief Col. Grant A. Gollod ang kanyang mga tauhan para sa matagumpay na operasyon.

Ani Gollod: “Ang CIDG RFU-3, sa pamamagitan ng Oplan Kalikasan, ay nananatiling matatag sa pagpapatupad ng mga batas sa kapaligiran at pagtiyak na ang mga lumalabag ay mananagot alinsunod sa batas.”