Yulo

Carlos Yulo natanggap na P2M mula kay Lacuna

Edd Reyes Aug 19, 2024
102 Views

Yulo1IPINAGKALOOB na ni Manila Mayor Dr. Honey Lacuna ang P2 milyong tseke na kanyang ipinangako kay Paris Olympics double gold medalist Carlos Edriel Yulo, kasabay ng paglagda sa ipinasang ordinansa na magdedeklara tuwing Agosto 4 ng bawa’t taon na “Araw ni Carlos Yulo” sa kapitolyo ng bansa.

Ayon sa alkalde, ang “Araw ni Carlos Yulo” ay magsisilbing okasyon upang ipagpatuloy na makapagbuo ng marami pang manlalaro sa Olympic ang Maynila at buong Pilipinas na makakapaguwi ng mga medalya.

Aniya, sa pamamagitan ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila na pinopondohan ng lungsod, makakapag-aral dito ang mga atleta at coaches sa lahat ng kurso sa physical therapy, nursing, medicine, public health at edukasyon.

Una rito’y sinabi nina Yulo at ni Gymnastics Association of the Philippines President Cynthia Carrion na layunin nilang bumuo ng team ng kalalakihan at kababaihan sa maipapadala sa susunod na Olympics na gaganapin sa Los Angeles.

“PLM has undergraduate and master’s degree programs directly related to sports careers, as well as in other careers, that are of interest to athletes and coaches. Pwede silang mag-enroll sa PLM para sa kanilang professional development at economic advancement,” sabi ng alkalde.

Idinugtong pa ng alkalde na hahanap siya at ang mga eksperto sa PLM upang maipatupad ang Sports Excellence Program na magbibigay ng teknikal na kaalaman sa pagkilala sa mga batang atleta sa elementarya, junior high schools and senior high schools na kanilang isasailalim sa pagsasanay para mahasa ng husto ang kakayanan.

“Aalamin natin ang needs at priorities ng mga teachers and coaches sa ating mga public at private schools dito sa Maynila. Maaari nating simulan ‘yan sa mga eskwelahang pinagmulan ng ating two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo. Tingnan natin kung feasible na makapag-designate tayo ng isang Sports Excellence Center sa bawat distrito ng Maynila” sabi pa ni Mayor Lacuna.

“Mangangalap tayo ng mga datos para malaman kung alin sa mga paaralan dito sa Maynila ang may track record na ng pagiging mahusay sa Philippine National Games, Batang Pinoy, at Palarong Pambansa,” dugtong pa niya.