Martin

Cash pledge para sa relief operation ng Kamara halos P50M na

208 Views

HALOS P50 milyon na ang naipangakong tulong pinansyal para sa isinasagawang relief operation ng Kamara de Representantes.

Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez umabot na sa P49.2 milyon ang cash pledges para sa relief operation ng Kamara para matulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Paeng.

Magpapatuloy umano ang isinasagawang repacking ng mga relief goods sa Batasan Complex para sa mabilisang distribusyon ng mga nito.

Nakapagpadala na ang Kamara ng relief goods sa Laguna at Cavite.

Bukod sa mga kongresista, mayroon din umanong mga nasa pribadong sektor na nangakong magpapadala ng ipantutulong sa mga nasalanta.

Pinangunahan ni Romualdez, kanyang misis na si House Committee on Accounts Chairperson at Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, at House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang donation drive.

“Tuloy-tuloy po ang relief drive at operations ng Kongreso para sa mga nasalanta ng bagyong Paeng sa tulong ng mga staff ng Office of the Speaker at sa mga Secretariat employees ng House of Representatives. Asahan po ninyo na ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang makapagpadala ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo,” sabi ng Speaker.

Mayroon ding mga empleyado at opisyal ng Kamara na nagbigay ng mga damit at iba pang magagamit ng mga nasalanta.

Pinasalamatan din ni Romualdez ang mga empleyado ng Kamara na boluntaryong nag-repack ng mga relief goods simula pa noong Linggo.

“Salamat sa mga staff ng Office of the Speaker at sa mga Secretariat employees ng House of Representatives sa pagbibigay ng oras para sa ating relief operations. Tuloy-tuloy po ang kanilang pagtulong kahit na walang pasok sa opisina para lamang maihatid ang mga relief goods sa mga nangangailangan nating kababayan. Saludo po ako sa inyong lahat!” dagdag pa ni Speaker Romualdez.