Castro

Castro: Kasarinlan ng Pilipinas walang kaugnayan sa gagawing imbestigasyon ng ICC vs Duterte

Mar Rodriguez Nov 29, 2023
181 Views

NANINDIGAN si ACT-TEACHERS Party List Cong. France L. Castro na walang kaugnayan ang kasarinlan o sovereignty ng Pilipinas sa gagawing imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte patungkol sa kontrobersiyal na “war on drugs” nito.

Sa ekslUsibong panayam ng People’s Taliba, iginiit ni Castro na walang kinalaman ang kasarinlan sa mga kasong kinasasangkutan ng dating Pangulo partikular na sa kontrobersiyal na usapin ng “tokhang” o ang war on drugs campaign nito na sinasabing ikinasawi ng ilang inosenteng sibilyan.

Binigyang diin ni Castro na walang kaugnayan ang sovereignty, sapagkat ang pangunahing isyu umano dito ay ang paghahanap ng hustisya para sa mga inosenteng biktima ng mapusok o mapangahas na war on drugs o ang tinatawag na extra-judicial killings ng dating administrasyon.

Sinabi ni Castro na ang posibleng pagpasok ng ICC sa bansa para magsagawa ng imbestigasyon ay patungkol sa hustisyang hinihingi ng nasa tinatayang 6,200 biktima. Ang nasabing bilang aniya ay mga “reported victims” o naitala ng Philippine National Police (PNP) sa kasagsagan ng war on drugs campaign.

“So sa tingin ko walang kinalaman ang soberaniya dito. Ang issue dito ay ang hustisya para sa mga naging biktima ng extra-judicial killings, ang ibig sabihin niot ay ang paghingi ng hustisya ng ating mga kababayan. More than 6,200, itong bilang ito ay yun lamang reported ng PNP na namatay during their operations,” ayon kay Castro.

Ipinaliwanag pa ng Party List Lady solon na kaya hindi maaaring “ikabit at i-angkla” ang kasarinlan sa usapin ng ICC dahil napakarami aniyang issue ang kailangang sagutin ni Duterte kabilang na ang usapin ng “riding-in-tandem” na nasa 3,000 naman ang pinatay ng mga di-umano’y “Davao Death Squad” (DDS).

“Iba pa itong mga vigilantes o yung mga riding in tandem na nasa 3,000 daw ang pinatay na ayon sa mga reports eh’ mga pulis din daw. Mabibilang mo lamang sa kamay ang mga nabigyan ng hustisya o naimbestigahan, hindi na na-inquest yung karamihan,” dagdag pa ni Castro sa panayam ng People’s Taliba.