Catapang1 BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr.

Catapang iniutos pagpapatayo ng halfway houses sa OPPFs

33 Views

UPANG higit pang mapalakas ang programa para sa muling pagbangon at pagbabalik sa lipunan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs), inatasan ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang pagtatayo ng mga halfway houses sa lahat ng operating prisons and penal farms (OPPFs) sa buong bansa.

Ayon kay Catapang, ang inisyatibong ito ay hindi lamang nakatuon sa paghahanda ng mga PDL para sa kanilang nalalapit na paglaya, kundi upang matiyak na sila ay may sapat na suporta at mga kailangang kaalaman at kasanayan para sa matagumpay na reintegrasyon sa lipunan.

Sa isang memorandum na ipinadala sa mga Superintendents ng OPPFs at mga yunit na may kaugnayan sa external affairs, binigyang-diin ni Catapang ang kahalagahan ng isang komprehensibong programa para sa mga PDL sa loob ng mga halfway house.

Ang mga programang ito ay binubuo ng iba’t ibang bahagi tulad ng mga counseling sessions, orientation activities, interviews, at short courses na layuning bigyan ang mga PDL ng sapat na kakayahan at kaalaman na kailangan nila sa kanilang muling pakikisalamuha sa lipunan. Ayon kay Catapang, ang ganitong holistic na pamamaraan ay kinikilala na ang tunay na reintegrasyon ay hindi lamang basta paglaya, kundi ang pagbibigay ng konkretong paghahanda upang malagpasan nila ang mga hamon ng lipunan.

Ang mga halfway house ay magsisilbing pansamantalang tirahan para sa mga PDL na malapit nang palayain. Bukod dito, magsisilbi rin itong ligtas at maayos na lugar para sa mga PDL na napalaya na ngunit wala pang pinal na lugar kung saan sila maninirahan.

Upang maisakatuparan ito, inatasan ni Catapang ang mga kinauukulang opisyal na magsumite ng detalyadong plano at disenyo ng bawat halfway house, kalakip ang malinaw na badyet na kakailanganin para sa proyekto.

Habang ang proyekto ay nasa yugto pa ng pagpaplano at pagpopondo, inatasan din ang mga opisyal na tukuyin ang isang angkop na lugar kung saan maaaring pansamantalang ihiwalay ang mga PDL na malapit nang lumaya mula sa pangkalahatang populasyon ng PDL. Ito ay upang matutukan ang mga programang reintegrasyon para sa kanila.

Dagdag pa rito, pinaalalahanan ang lahat ng kinauukulan na sundin ang teknikal na gabay batay sa Revised Implementing Rules and Regulations ng Republic Act 10575, o mas kilala bilang BuCor Modernization Act of 2013.