PCAP

Cavite ayaw paawat, Toledo matatag

Ed Andaya Apr 14, 2024
163 Views

PATULOY sa pananalasa ng Cavite Spartans sa 2024 PCAP All-Filipino Conference chess team championships.

Sa pangunguna nina Michael Concio at Daniel Quizon, dinurog ng Cavite ang Quezon City Simba’s Tribe, 15-6, at Cagayan Kings, 17-4, upang patuloy na hawakan ang liderato sa Northern Division.

Nakatuwang nina Concio at Quizon sina Marie Antoinette San Diego, GM Rogelio Antonio, Jr. at Roel Abelgas para sa ika- pitong panalo sa walong laro ng Spartans sa prestihiyosong 18-team, two-division tournament na itinataguyod ng San Miguel Corporation, Ayala Land at PCWorx.

Winalis ni Concio si Michaela Concio, 3-0; itinumba ni Quizon si Norman Madariaga, 3-0; pinadapa ni San Diego si Michella Concio, 1-0; binigo ni Antonio si Danilo Ponay, 2-1; at binura ni Abelgas si Jaime Criste, 3-0, para sa panalo ng Cavite laban sa Quezon City.

Namayani din si Quizon laban kay Tyrone de los Santos, 3-0, at nanaig si Antonio kontra kay Jude Ulanday, 2-1, sa panalo ng Cavite laban sa Cagayan.

Nagpakitang gilas din ang San Juan, na nagwagi laban sa Cagayan Kings, 17.5-3.5, at Rizal Towers, 15-6.

Ang back-to-back victories ng Predators nina PCAP Chairman Michael Angelo Chua at coach Hubert Estrella ay naghatid sa kanila sa kaparehas na 7-1 win-loss record ng Spartans.

Gayunman, lamang Cavite kontra San Juan,126.5 -112, sa match points.

Umarangkada din ang defending champion Pasig Pirates matapos lupigin ang Rizal Towers, 17.5-3.5, at Olongapo Rainbow, 14.5-6.5, para sa third-best 6-2 record.

Samantala, niyanig ng Toledo Trojans at Camarines Eagles ang Southern Division matapos ang parehong impresibong panalo.

Ang Toledo, na pinamumunuan nina Samson Lim at Cherry Ann Mejia, ay nagwagi laban sa Tacloban Vikings, 14.5-6.5, at Negros Kingsmen, 18.5-2.5.

Tinalo ni Lim sina Melvin Merelos ng Tacloban, 3-0, at Ted Ian Montoyo ng Negros, 3-0, habang ginapi ni Mejia sina Catherine Pojas ng Tacloban, 3-0, at Cecile Reginaldo ng Negros, 3-0, para sa Trojans ni Atty. Jeah Gacang.

Wagi din si Allan Pason ng Toledo kontra Norman Jasper Montejo ng Tacloban.

Ang Camarines ay nanalo laban sa Mindoro Tamaraws, 20.5-.5, at Iloilo Kisela Knights, 12.5-8.5.