PCAP

Cavite, San Juan chessers pakitang gilas

Ed Andaya Apr 10, 2024
212 Views

HINDI na maawat ang Cavite Spartans at San Juan Predators.

Winalis ng Cavite ang Manila Load Manna Knights, 15-6, at Isabela Knights, 20-1, habang dinurog ng San Juan ang Quezon City Simba’s Tribe, 18.5-2.5, at Manila, 11.5-9.5, upang agawin ang liderato sa 2024 PCAP All-Filipino Conference chess team championships kamakailan.

Namayani sina GM Rogelio Antonio, Jr. laban kay IM Chito Garma, 3-0, Kylen Joy Mordido laban kay Arvie Lozano, 2.5-.5, at Roel Abelgas labas kina Genghis Imperial at Ryan Dungca, 3-0, upang pamunuan ang Cavite laban sa dating walang talong Manila.

Bumawi naman ang Manila sa panalo nina IM Paulo Bersamina laban kay Kevin Arquero, 2-0, at IM Jan Emmanuel Garcia laban kina Raymond Salcedo at Kevin Mirano.

Bahagya lamang pinagpawisan ang Cavite laban sa Isabela, na kung saan tanging si Mechor Foronda ang nakakuha ng puntos matapos tumabla kay Salcedo sa board five.

Nagpasiklab din ang San Juan, na sumakay sa mahusay na paglalaro nina Karl Victor Ochoa, na itinumba si Garcia, 3-0; at Narquingel Reyes, na nanaig kay Jovert Valenzuela, 3-0, upang itaob ang Manila.

Ang mga panalo nina Ochoa at Reyes ay nagsilbing pang-bawi sa pagkabigo nina GM Rogelio Barcenilla Jr., na ginulat ni David Elorta (2.5-.5), WIM Jan Jodiyln Fronda, na binigla ni Lozano ( 2-1) at IM Ricardo de Guzman, na pinabagsak ni Garma ( 2-1).

Ang Predators nina PCAP Chairman Michael Angelo Chua at coach Hubert Estrella ay may mas madaling panalo kontra Simba’s Tribe na kung saan sina Barcenilla, Fronda, De Guzman atRandy Segarra ang nanguna.

Nakabawi din ang defending champion Pasig Pirates na nagtala ng back-to-back victories laban sa Quezon City, 20.5-.5, at Cagayan Kings, 18-3, para umangat sa fourth place na may 4-2 win-loss record..

Manguna para sa pirates sina GM Mark Paragua, WIM Sherily Cua at IM Cris Ramayrat.

Ang PCAP, ang una at natatanging professional chess league sa bansa, ay pinamumunuan nina President- Commissioner Atty. Paul Elauria, at Chairman Michael Angelo Chua.

Ang kumpetisyon ay itinataguyod ng San Miguel Corporation, Ayala Land at PCWorx at binabasbasan ng Games and Amusements Board (GAB), sa ilalim ng liderato ni Chairman Atty. Richard Clarin.

Ang mga laro ay ginaganap tuwing Wednesday at Saturday.

Standings

Northern Conference
Cavite 5-1, San Juan 5-1; Manila 5-2; Pasig 4-2, Cagayan 3-3, Isabela 3-3; Rizal 2-4; Quezon City 1-5; Olongapo 0-7.

Southern Conference
Toledo 5-1, Camarines 5-1; Davao 4-2, Iloilo 4-2; Surigao 4-3, Tacloban 4-3; Negros 2-4; Mindoro 0-6, Iriga 0-6.