Cayetano

Cayetano-Lacson ₱700M clash, napunta sa usapin ng output ng Senado

20 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na ang isyu sa kanyang puna tungkol sa ₱700 milyong umano’y nasayang sa 28 araw na pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano sa Senado ay hindi lamang ang arawang gastos ng kapulungan, kundi ang trabahong hindi nagawa sa panahong iyon.

Tumugon si Lacson matapos sabihin ni Cayetano na gagastos pa rin ang Senado ng tinatayang arawang operating expenses sinuman ang nakaupong Senate President.

“Tama naman — ‘Whoever was SP noon, ganun din ang gastos…’ Pero, output ang pinag-uusapan: trabaho sa plenaryo, hindi boycott; magpasa ng batas, hindi mag livestream sa Facebook. At kung ayaw tumulong, huwag na lang manggulo. Kaya nga sayang ang pera, kasi zero output,” ani Lacson.

Nauna nang iginiit ni Lacson na hindi bababa sa ₱700 milyon na pondo ng bayan ang nasayang sa 28 araw na pamumuno ni Cayetano, batay sa tinatayang ₱25 milyong arawang operating cost ng Senado.

“As per estimate made by the erstwhile Finance committee chairman, now SP Gatchalian, under the 2026 GAA, the Senate spends approximately P25M/day – salaries, allowances, MOOE, etc. Multiply that by 28 days of inaction and inactivity, it’s P700M,” ani Lacson.

Nauna namang kinontra ni Cayetano ang pahayag, at sinabing ang ₱700 milyon ay lumabas lamang sa pag-multiply ng tinatayang arawang operating cost ng Senado sa 28 araw at hindi ito karagdagang gastos na natangi sa kanyang panunungkulan.

Sinabi ni Cayetano na pareho pa rin ang gastos sinuman ang Senate President kung ang batayan ay ang kabuuang arawang operating cost ng Senado.

“P700 divided by 28 days is P25M,” naunang sinabi ni Cayetano.

“Yun din naman ang ginawa ni Senator Win. Tinignan niya lang yung budget ng Senado, tapos dinivide niya, nakuha yung P25M a day,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Cayetano na hindi dapat ilarawan ang arawang gastos ng Senado na parang natangi lamang ito sa kanyang pamumuno.

“Simple lang po. Kahit sino po ang Senate President, P25M a day ang gastos ng Senado, kung ganung kasimple ang computation mo. Meaning, yung budget ng buong Senado, divided by the number of calendar days,” ani Cayetano.

Naganap ang palitan matapos mahalal si Sherwin Gatchalian bilang Senate President sa special session na kasunod ng ilang linggong sigalot sa liderato ng Senado.

Mula noon, naorganisa na muli ng Senado ang mga komite at ipinagpatuloy ang trabaho sa mga nakabinbing panukala at appointment.