DPWH Source: DPWH

Cayetano sa DPWH: LLRN dapat may konsultasyon sa stakeholders

66 Views

BINATIKOS ni Senador Alan Peter Cayetano ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa umano’y kakulangan ng konsultasyon sa mga stakeholder kaugnay ng Laguna Lakeshore Road Network (LLRN) at Pasig River Expressway (PAREX) projects.

Aniya, nagdudulot ito ng malaking abala sa mga apektadong lugar.

Inilabas ni Cayetano ang kanyang mga hinaing kay DPWH Secretary Manuel Bonoan sa ginanap na deliberasyon sa Senado nitong November 20, 2024 ukol sa proposed 2025 budget ng DPWH.

“We asked you a thousand times… Hindi ninyo kami kinonsulta,” wika ni Cayetano kay Bonoan ukol sa LLRN project.

Binanggit ng senador na kahit nagsagawa ng konsultasyon ang DPWH sa ilang bayan na dadaanan ng proyekto, walang naging konsultasyon sa Lungsod ng Taguig, kung saan walong kilometro ng proyekto ang matatagpuan.

Ibinahagi rin ni Cayetano na pinalala ng proyekto ang trapiko sa ilang bahagi ng lungsod dahil sa kakulangan ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan.

“Thirty minutes for less than one kilometer [ang traffic]. Hindi pa todo rush hour iyon kaya sabi ko kay Secretary, may problema tayo roon at baka kailangan ninyo na maglagay ng flyover,” wika niya.

Bilang patunay ng hindi magandang pagpaplano, ibinahagi rin ni Cayetano ang isyu sa Department of Science and Technology (DOST) compound sa Taguig, kung saan hindi naging posible ang pagtatayo ng flyover upang maibsan ang trapiko.

“Y’ung DOST hindi basta pumapayag sa flyover kasi may mga equipment sila roon na kapag nag-she-shake ay naaapektuhan kaya hindi sila pumayag,” wika niya.

Sa usapin ng PAREX project, ang pinaplanong itayong kalsada sa ibabaw ng Ilog Pasig, tinanong ni Cayetano kung sapat ang pagpaplano rito upang maiwasan ang mga problemang naranasan sa LLRN project.

“Many urban planners have posted that in Korea pinatatanggal pa nila ang mga highway sa ibabaw ng river, so tayo bakit pa natin papatungan y’ung Pasig River?” wika niya.

Nais ding banggitin ito ni Cayetano sa Department of Transportation (DOTr), ang nangungunang ahensya para sa PAREX project.

Bagama’t hindi tutol ang senador sa mga proyektong ito, iginiit niya ang kahalagahan ng maayos at sapat na konsultasyon sa lahat ng stakeholder para sa mga proyekto ng DPWH.

“Ang ginawa ng mga tao ninyo, pa-appointment nang pa-appointment, nagtatambak ng mga dokumento, pero walang tunay na consultation,” wika niya.