Hot News

Cayetano: Senado di aantalahin impeachment process

26 Views

Cayetano

SINABI ni Senate President Alan Peter Cayetano na kikilos ang Senado “forthwith” at hindi aantalahin ang impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte kapag natanggap na ang articles of impeachment, habang iginiit na anumang pag-aresto batay sa foreign warrant na may kinalaman kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ay dapat dumaan sa Philippine court.

“We won’t delay. There’s no reason. The country needs us in other capacities,” ani Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na kumonsulta siya kay dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III tungkol sa proseso at nais niyang magkaroon ng all-member caucus upang talakayin ang impeachment process at iba pang isyung kinakaharap ng Senado.

Si Cayetano, na umupo bilang Senate President matapos ang pagbabago ng liderato nitong Lunes, ay nagsabing hindi tungkol sa nakaambang impeachment trial ang pagpapalit ng liderato sa Senado kundi sa pangangailangang magkaisa habang hinaharap ng bansa ang mga problema sa ekonomiya, isyu sa korapsyon, tensyon sa ibang bansa at mabilis na pagbabago sa teknolohiya.

“Before us might be the impeachment [trial], but let me make it very clear. May mga lumabas sa news – at hindi ko kayo sinisisi kung sinasabi niyo sa news – na ang pagpalit ng leadership ay tungkol sa impeachment. Hindi po,” ani Cayetano.

Ayon sa kanya, ang impeachment process ay dapat gabayan ng katotohanan, ebidensya at Konstitusyon, hindi ng political affiliation.

“The impeachment will be much, much more than dismissing a complaint because of political affiliation. And it is also much, much more than convicting someone without evidence. Parehong hindi pwede iyon. Kailangan guided tayo by the truth, guided by evidence,” ani Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na hindi maaaring impeachment lamang ang pagtuunan ng Senado dahil sa mga problemang pang-ekonomiya na kinakaharap ng mga Pilipino.

Tinalakay din ni Cayetano ang insidente sa Senado na kinasangkutan ni Dela Rosa at ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation, at sinabing hindi katanggap-tanggap na may habulan sa loob ng Senate premises.

“This is not the first day I was expecting,” ani Cayetano, kasabay ng pagsasabing handa siyang makipag-usap sa NBI at Department of Justice upang maresolba ang isyu.

“But I want it very clear na unacceptable na may habulan sa Senado,” ani Cayetano.

Sinabi niya na handang makipag-coordinate ang Senado sa NBI, Office of the President, House of Representatives at iba pang institusyon, ngunit dapat pa ring sundin ang Konstitusyon, batas at maayos na koordinasyon sa anumang aksyon sa loob ng Senado.

Ayon kay Cayetano, walang problema sa pag-serve ng warrants, ngunit ang arrest batay sa foreign warrant ay dapat dalhin sa Philippine court.

“There’s no problem with serving the warrants. We are lawmakers, we are not lawbreakers. So they can bring the warrants and we receive it. Sinasabi namin kailangan mo ng warrants of arrest from a Philippine court,” ani Cayetano.

Binanggit niya ang Senate Resolution 44, na ayon sa kanya ay nagpapakita ng posisyon ng Senado na ang foreign warrant of arrest ay dapat dalhin muna sa Philippine judge.

“Whatever the dangers, etc. May korte tayo, may batas,” ani Cayetano.

Sinabi niya na kung may order mula sa Philippine court at naubos na ang legal remedies, susunod ang Senado sa batas at kakausapin pa ang kinauukulang senador upang sumunod.

“So pag dumaan sa korte, na-exhaust lahat ng legal remedies, kami na mismo kaka-authorize yan,” ani Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na ang posisyon ng Senado ay igiit ang due process, maayos na koordinasyon at paggalang sa kaayusan ng institusyon.

Ayon sa kanya, may mga pagkakataon noon na ang mga senador na humingi ng tulong sa Senado ay pinayagang maubos muna ang legal remedies bago boluntaryong sumuko kapag kumilos na ang korte sa kanilang kaso.

Sinabi ni Cayetano na dapat magpatuloy ang trabaho ng Senado sa kabila ng tensyon, habang binabantayan mismo ng publiko ang kapulungan.

“The Senate is also on trial,” ani Cayetano. “I will do my job.”