PSA

Bilang ng walang trabaho nabawasan—PSA

223 Views

NABAWASAN umano ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa isinagawang Labor Force Survey, nasa 2.60 milyong Pilipino ang walang trabaho noong Hulyo, mas mababa sa 2.99 milyon na naitala noong Hunyo, at sa 3.23 milyon na naitala sa kaparehong buwan noong 2021.

Ang datos noong Hulyo ay katumbas ng 5.2 porsyento unemployment rate, mas mababa sa 6.0 porsyento noong Hunyo at 7.2 porsyento noong Hulyo 2021. Ito ang pinakamababang naitala mula noong Oktobre 2019 kung kailan nakapagtala ng 4.5 porsyento.

Ang mga rehiyon na mayroong pinakamataas na unemployment rate ay ang Metro Manila na nasa 6.9 porsyento; Calabarzon na naitala sa 6.3 porsyento, Western Visayas na may 6.0 porsyento, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 5.6 porsyento, at Northern Mindanao na may 5.3 porsyento.

Sa pinakahuling survey, 47.39 milyong Pilipino ang may trabaho tumaas mula sa 46.59 milyon na naitala noong Hunyo at 41.67 milyon na naitala noong Hulyo 2021.

Ito ay katumbas ng employment rate na 94.8 porsyento, mas mataas sa 94.0 porsyento noong Hunyo at 92.8 porsyento noong Hulyo 2021.