Drugs

Cebu drug den sinalakay; 4 naaresto

Alfred Dalizon Jul 26, 2025
250 Views

APAT na suspek sa kalakaran ng ilegal na droga ang nahuli sa drug den sa Cebu City na sinalakay ng mga agents ng Philippine Drug Enforcement Agency at Cebu City police noong Martes.

Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang mga nasakote na sina alyas Marjun, 55, at kanyang live-in partner na si Mabel, 25. Kasamang nadakip sina alyas Marlon, 46, at Archer, 47.

Ayon kay Plaza, naaresto ang apat sa isang anti-narcotics operation sa Sitio Everlasting, Brgy. Pahina San Nicolas, Cebu City dakong alas-1:35 ng hapon.

Nakumpiska sa operasyon ang 10 gramo ng shabu, iba’t-ibang drug paraphernalia at P300 cash.

Isinailalim na sa chemical analysis sa laboratoryo ng PDEA Regional Office 7 ang mga nakumpiskang ebidensya.

Ang pagpapatakbo ng drug den ay may katumbas na pinakamabigat na parusa na habambuhay na pagkakakulong at multa mula P500,000 hanggang P10 milyon, ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez.