Calendar
Cha-cha napapanahong silipin — Chua
SINABI ni House Committee on Good Government and Public Accountability chairman Joel Chua ng Maynila noong Sabado na ang mga kamakailang desisyon ng Korte Suprema (SC) ay muling nagbukas ng matagal nang usapin hinggil sa mga puwang at hindi pagkakatugma sa 1987 Konstitusyon, kasabay ng pahayag ng pagiging bukas ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa mga amyenda sa Konstitusyon.
“So dito sa panibagong [desisyon ng SC] dahil nagdagdag po sila ng ‘deemed initiated’, so sa akin pong pananaw, puwede po itong baka napapanahon na rin para ito [Konstitusyon] ay silipin,” ani Chua, na vice chairperson din ng House Committee on Justice, sa Saturday Media Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
“In fact, sinasabi nga po ni Senate President na sang-ayon, dahil sa mga nangyayaring pagbabagong ito mukhang siya open na sa pagbabago ng ating Saligang Batas,” dagdag ni Chua.
Ayon kay Chua, ang Konstitusyon na papalapit na sa apat na dekada ay paulit-ulit nang nagpapakita ng mga isyung matagal nang binibigyang-diin ng mga mambabatas, kabilang ang mga usapin sa interpretasyon na may epekto sa kung paano ginagampanan ng Kongreso ang mga tungkulin nito.
“Alam po ninyo itong Constitution po natin more than 30 years, almost 40 years na, 1987 pa po ito at marami na rin nangyari,” ani Chua. “Marami rin tayong nakita na medyo kakulangan o hindi pagkakatugma-tugma.”
Tinukoy niya ang mga paulit-ulit na hindi pagkakaunawaan at mga probisyon na, sa kanyang pananaw, ay maaaring kailanganing repasuhin lampas sa kasalukuyang kontrobersiya.
“Isa na lang d’yan ang pagboto ng House sa joint or separate. Naging usapin po ’yan,” sabi ni Chua. “Pangalawa, nakita rin po natin isang issue po ’yan, ang anti-dynasty.”
Binanggit din ni Chua ang tinawag niyang mga bagong konseptong ipinakilala sa pinakahuling desisyon ng SC kaugnay ng mga timeline sa impeachment.
“At ngayon po sa akin pong pananaw, dinagdagan nila ang grounds para mag-initiate po,” aniya.
Dagdag pa niya, hindi dapat limitado sa impeachment lamang ang anumang pagrepaso.
“So not in particular lamang dito sa impeachment bagkus pati sa ibang provision,” ani Chua.
Samantala, sinabi naman ni House Committee on Public Accounts chair Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list na susuportahan niya ang posisyon ni Sotto, ngunit sa isang tiyak na konteksto lamang na may kaugnayan sa mga alalahanin sa pakikialam ng hudikatura sa kapangyarihan ng ibang sangay ng gobyerno.
“Well I will support him only in so far as ‘yung overreach of the judiciary into the legislature and to other branches of government,” ani Ridon.
Ayon kay Ridon, kung ang mga talakayan ukol sa Charter change (Cha-cha) ay lilimitahan lamang sa puntong iyon, wala siyang tutol.
“Only as to that, if we will talk about charter change only as to that, no problem,” aniya.
Gayunman, iginiit ni Ridon na may iba pang mga kasangkapang konstitusyonal upang matiyak ang pananagutan ng hudikatura bukod sa mga amyenda sa Konstitusyon.
“Pero ang totoo naman po there many other ways to make the judiciary actually accountable,” ani Ridon.
Tinukoy niya ang impeachment bilang isa sa mga mekanismong maaaring ipataw kahit sa mga miyembro ng Korte Suprema.
“Members of the Supreme Court can be subject to impeachment proceedings,” sabi ni Ridon.
Sinabi rin niya na nananatili sa Kongreso ang kapangyarihang suriin ang ilang gastusin ng hudikatura, partikular ang paggamit ng Judiciary Development Fund.
“Even if they actually enjoy judicial autonomy, I think Congress continues to possess powers to basically check particular expenditures of judiciary, particularly their use of the judicial development fund,” ani Ridon, at idinagdag na bahagi ito ng checks and balances sa pagitan ng mga sangay ng gobyerno.
“I think that is something that Congress could undertake as part of the checks and balances of Congress to the judiciary,” pagtatapos ni Ridon.

