Ridon1

Chair Ridon: ISIP na may kaugnayan kay VP Sara ay nag-endorso ng party-list ni Munsayac noong 2022

59 Views

SINABI noong Biyernes ni House Committee on Public Accounts Chairperson Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list na sinusuri ng House Committee on Justice ang ugnayan nina Vice President Sara Z. Duterte, ang umano’y bagman niyang si Ramil L. Madriaga, ang dating tagapagsalita niyang si Atty. Reynold Munsayac, at si Assistant Special Prosecutor Ryan Quilala—at kung ano ang ipinapakita ng mga ugnayang ito tungkol sa relasyon ni Madriaga sa Pangalawang Pangulo.

“Malinaw sa ebidensya—ang certificate of appreciation mula kina Mr. Quilala at Mr. Madriaga para kay Mr. Munsayac ay ibinigay ni Mr. Quilala sa isang bar sa Quezon City. Ito rin ang bar na sinasabi ni Mr. Madriaga na pinagbabaan ng mga duffel bags na may laman na confidential funds,” ani Ridon.

Itinanggi ng Pangalawang Pangulo na mayroon siyang personal o propesyonal na ugnayan kay Madriaga.

Iginiit din ni Duterte na si Mr. Quilala lamang ang nakakakilala kay Madriaga sa pamamagitan ng ISIP Pilipinas—isang non-profit organization na ayon kay Madriaga ay kanyang itinatag bilang suporta sa umano’y pagtakbo ni Duterte sa pagkapangulo.

“Iginiit ni Vice President Duterte na si Mr. Quilala lamang ang may kakilala kay Mr. Madriaga at hindi ito umaabot sa kanyang antas—isang pahayag na dapat suriin ng Ombudsman at ng komite,” dagdag ni Ridon.

Gayunman, pinabulaanan ito ni Madriaga sa isang supplemental affidavit na isinumite sa Committee on Justice, kung saan detalyado niyang inilahad ang umano’y pakikipag-ugnayan at mga aktibidad niya kasama ang Pangalawang Pangulo at ang pamilya nito.

Nagpakita rin siya ng mga litrato kasama sina Duterte at Quilala upang patunayan ang kanilang koneksyon.

Ayon kay Ridon, ang ugnayan ni Madriaga kay Munsayac ay dumaan sa ISIP Pilipinas, kung saan nakatanggap si Munsayac ng certificate of appreciation noong Hunyo 29, 2022 dahil sa pagsuporta sa organisasyon.

Ang sertipiko ay iniabot ni Quilala kay Munsayac sa Nommu Basho sa Tomas Morato, Quezon City—isa sa mga lugar na tinukoy ni Madriaga bilang drop-off point ng mga duffel bag na may lamang pera sa mga transaksyon ng confidential funds.

Dagdag pa ni Ridon, kanyang sinuri ang Facebook page ng ISIP Pilipinas at ng mga regional chapter nito, kabilang ang sangay sa Binangonan, Rizal, kung saan may mga post na nagpapakita ng promosyon sa party-list na kinabibilangan ni Munsayac bilang unang nominee noong 2022 national elections.

“Sa Facebook page ng ISIP Binangonan, Rizal, may mga nire-repost na campaign materials ng Bayanihan Act as One Party-list noong 2022 elections,” ani Ridon.

“Ito ang party-list ni Mr. Munsayac noong 2022 elections kung saan siya ang unang nominee,” dagdag pa niya.

Iginiit ni Ridon na hindi pangkaraniwan para sa isang political campaign group na mag-promote ng party-list o kandidato na wala itong ugnayan, kaya’t kinukuwestiyon nito ang pahayag ng Pangalawang Pangulo na wala siyang koneksyon kay Madriaga.

“Bakit magpo-post kung hindi sinusuportahan ang party-list na iyon? Kung political page ka para sa kampanya ni VP Sara, bakit ka magpo-promote ng party-list na hindi ka naman konektado?” aniya.

Para kay Ridon, ang mga Facebook post na natuklasan ng Committee on Justice ay lalo pang nagbibigay bigat sa testimonya ni Madriaga. Sa pinakakaunti, aniya, ipinapakita nito na magkakakilala sina Madriaga, Quilala, at Munsayac—na sumasalungat sa pahayag ni Duterte na wala silang koneksyon.